Kinansela at tinanggap ng Department of Energy (DOE) ang boluntaryong pag-atras sa kontrata ng project developer ng kontrobersyal na 247-megawatt Banahaw Wind Power Project sa Quezon.
Batay sa liham na may petsang Hulyo 20 na nilagdaan ni Renewable Energy Management Bureau Director Atty. Marissa P. Cerezo, tinanggap ng DOE ang pagbawi ng kontrata noong Enero 26.
Sakop sana ng proyekto ang mga bahagi ng Sariaya at Tayabas City, malapit sa Mounts Banahaw-San Cristobal Protected Landscape, isang protected area na kinabibilangan ng mga kagubatan, watershed at iba pang mahalagang tirahan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman.
Matagal nang kinuwestiyon ng mga residente at environmental groups ang proyekto dahil sa posibleng epekto nito sa kalikasan, partikular sa Mount Banahaw na itinuturing na mahalagang pinagkukunan ng tubig at may malaking kahalagahang pangkalikasan at pangkultura.
Ayon sa mga grupong pangkalikasan, kabilang ang Tanggol Kalikasan at Juan Banahaw, ang pagkansela ng proyekto ay resulta ng patuloy na pagbabantay at pakikilahok ng mga komunidad sa usapin ng pangangalaga sa protected landscape.
Bagama’t kinikilala ng mga environmental advocate ang kahalagahan ng renewable energy sa pagtugon sa climate change, iginiit nilang dapat tiyakin ng pamahalaan at mga developer na ang mga proyektong pangmalinis na enerhiya ay hindi makapipinsala sa mga sensitibong kagubatan, watershed at iba pang kritikal na likas na yaman.

=====

Share.