TINARGET sa ulo ng armadong salarin ang 32-anyos na negosyante sa harap mismo ng kanyang bahay kung saan naitatag din niya ang kanyang motor shop Lunes ng gabi sa Malabon City.
Todas kaagad ang biktimang si Mark Anthony Sebua habang mabilis namang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklos patungo sa Langaray St. sa bahagi ng Caloocan City hanggag tuluyang mawala sa paningin ng testigo.
Sa tinanggap na ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission, lumabas ng kanyang bahay sa Blk 8H, Lot 7, Teachers Village, Brgy Longos ang biktima dakong alas-11:05 ng gabi nang dumating ang Lalamove delivery rider na magdadala sa kanyang biniling produkto.
Batay sa ginawang imbestigasyon nina P/MSg Michael Oben at P/SSg. Bengie Nalogoc ng Malabon Station Investigation Unit, habang tinatanggap ng biktima ang pakete ay biglang sumulpot ang dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo.
Nang bumaba ang isa, kaagad na bumunot ng baril at malapitang pinaputukan ng dalawang beses sa ulo ang biktima sa harap ng nahintakutang delivery rider.
Nakuha ng mga nagrespondeng mga pulis at tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng NPD Forensic Unit sa lugar ang nagkalat na personal na gamit ng biktima kabilang ang kanyang relos, susi ng motorsiklo, ibat-ibang ID at ATM card, at P1,020 cash.
Dinala ang bangkay ng biktima sa Nate Funeral Homes para isailalim sa autopsiya habang nagsasagawa na ng forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar ang mga pulis na makakatulong upang makilala at madakip ang mga salarin. (Edison de Jesus)

