Swak sa kulungan ang 39-anyos na lalaki nang inguso sa pulisya na may dala umanong baril habang pagala-gala sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth, nirespondehan ng mga tauhan ni Bagong Barrio Police Sub-Station 5 Commander P/Capt. Julius Villafuerte ang natanggap na ulat hinggil sa isang lalaki na armado umano ng baril habang pagala-gala sa Evangelista Street, Barangay 144.

Pagdating sa lugar, naaktuhan ng mga pulis ang suspek na si alyas “Bert ” na may bitbit umanong baril na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-11:55 ng gabi.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng apat na bala at isang rifle grenade na kapwa walang kaukulang mga dokumento.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearm and Ammunition) at R.A 9516 (Codifying the Laws on Illegal/Unlawful Possession, Manufacture, Dealing in, Accusation or Disposition of Firearm, Ammunition or Explosives).(Roger Panizal)

Share.