INANUNSIYO ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na isa pang health center sa Maynila ang isasailalim sa pagkukumpuni upang makapagbigay ng pangunahin at modernong serbisyong pangkalusugan sa mga Manilenyo.

Nitong araw ng Martes, pinangunahan nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Chi Atienza ang seremonya ng ground breaking para sa malawakang renovation ng Jose Vivencio Health Center sa Santa Ana na ayon sa alkalde ay bahagi ng Minimum Basic Needs (MBN) na kanyang isinusulong.

Pagagandahin at palalakihin sa gagawing renovation sa may 17 silid ng naturang health center kabilang ang consultation at examination rooms, dental room, pharmacy, minor surgery room, TB-DOTS room, a sputum collection area, microscopy room, nurses’ room, midwives’ room, conference room, at waste storage facility, at iba pa.

“Uubusin ko ang lahat ng health center, hangga’t may panahon, hangga’t may kakayanan na ito’y baguhin, isaayos, i-modernize para mas maging epektibo sa workplace at epektibo at mas maaliwalas sa mamamayang dadako sa kani-kaniyang health center,” pahayag ng alkalde.

Ipinaalala rin ng alkalde sa mga residente ang libreng angiogram at angioplasty services sa Catheterization Laboratory ng Ospital ng Maynila, na isang pasilidad na itinatag sa unang termino pa lamang ng kanyang panunungkulan at nakapagsilbi na ng 169 angiogram patients, kabilang ang pitong angioplasty procedures mula nang buksan ng wala kahit singko ang binayaran ng mga pasyente.

Kung sa pribadong pagamutan aniya isasagawa ang ganitong uri ng pagpapagamot, gagastos ang pasyente ng mula ₱300,000 hanggang ₱1.5 million..

“Tinira ka sa Maynila sa Ospital ng Maynila, magkano babayaran mo? Zero. Wala akong pakialam gumastos ng milyon-milyon sa isang tao, mabuhay lang kayo,” sabi ng alkalde.

Bilang bahagi pa rin ng MBN platform ni Mayor Isko Moreno, lumikom ng puhunan ang pamahalaang lungsod ng halagang ₱324,049,337.00 na inilaang pambili ng mga modernong medical equipment para mapalakas ang pangangalaga sa kalusugan ng Manila Health Depratment at ng pitong ospital na pinangangasiwaan ng lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa ang konstruksiyon at renovation ng 10 pang health centers sa Maynila, kabilang na rito ang Tondo Foreshore Super Health Center. (Edison de Jesus)

 

Share.