PATAY ang 34-anyos na e-trike driver nang barilin sa mukha ng riding-in tendem criminals Lunes ng gabi sa Malabon City.
Wala ng buhay nang datnan ng kanyang mga kaanak at pulisya ang biktimang si Christian Lorenzo, residente ng Sitio 6 Brgy. Catmon, sanhi ng isang tama ng bala sa mukha habang mabilis na tumakas ang mga salarin, patungo sa Brgy. Acacia sa naturan ding lungsod.
Sa isinumiteng ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang pamamaril dakong alas-8:00 ng gabi sa kanto ng M.H. Del Pilar St. at Basilio St. sa Brgy. Tugatog habang namamasada ang biktima upang may maipambili ng gatas ng bagong silang niyang anak sa kanyang live-in partner.
Ayon sa ina ng biktima na si Aling Marife, nakauwi na ng bahay ang kanyang anak matapos makabili ng bigas pero muling umalis para pumasada para naman sa pambili ng gatas ng anak subalit hindi na nakauwi.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pagpaslang, pati na ang kanyang pamilya, dahil sa ginawang pahayag ng ina ng biktima, wala silang alam na kaaway ang anak na nagsisikap aniyang buhayin ang pamilya sa pamamasada ng e-trike.
Sa ginawa namang beripikasyon ng mga imbestigador, napagalaman na minsan ng nakulong ang biktima dahil sa paglabag sa pag-iingat ng pampasabog noong Pebrero 19, 2024.
Kasalukuyan pang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa pagkakakilanlan at agarang pagdakip sa mga salarin at malaman na rin kung ano ang motibo sa naturang krimen. (Edison de Jesus)

