Naglabas ng advisory ang US Embassy in Manila para sa mga Amerikanong nasa Pilipinas matapos ang pinaigting na operasyon ng Armed Forces of the Philippines laban sa New People’s Army (NPA).
Ayon sa embahada, may ilang US citizens na naiulat na nasa mga lugar ng military operations kamakailan.
Isang insidente umano noong Abril 19 ang nauwi sa armadong sagupaan na ikinamatay ng dalawang Amerikano.
Pinayuhan nila ang mga Amerikano sa Pilipinas at sa buong mundo na sumunod sa mga lokal na batas at iwasan ang mga sitwasyon na may mataas na panganib sa seguridad.
Binigyang-diin ng embahada na ang NPA ay itinuturing na foreign terrorist organization ng Estados Unidos at Pilipinas, kaya’t sinumang mapapadpad o makikisalamuha sa mga armadong grupo ay maaaring malagay sa panganib ng pag-aresto, pagkasugat o pagkamatay.
Babala pa nito, aktibong kumukuha ng mga Amerikano ang mga foreign terrorist organization upang direktang lumahok sa mga aktibidad ng terorista at/o magbigay ng suportang pinansiyal.
Tinukoy din ang ilang lugar na may “heightened concern” dahil sa mga naitalang sagupaan, kabilang ang mga liblib at kabundukang bahagi ng Leyte, Mindoro, Negros at Samar.
Dagdag pang payo ng embahada sa mga Amerikano, umiwas sa anumang kaugnayan sa mga armadong grupo at agad lumayo kung makakakita ng mga armadong indibidwal na hindi kabilang sa pulisya o militar.
“If you unwittingly become associated with a group you suspect is engaged in terrorism or armed opposition to the Philippine government, the embassy can help. Contact us immediately,” saad nito.
“Americans seeking to engage in humanitarian activities should work with groups registered with the Philippines National Volunteer Service Coordinating Agency (https://pnvsca.gov.ph) and obtain the correct visa,” pahayag pa nito.

Share.