PINASINAYAHAN nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang kauna-unahang charging station ng pampublikong electric vehicle (EV) Lunes ng umaga sa Kartiya ng Katipunan.
Kasama sng alkalde at bise alkalde sa seremonya ang mga opisyal ang kompanyang ACMobility, na isang sangay na namamahala sa mga imprastraktura ng AC Enterprises at katuwang ng lokal na pamahalaan sa paglalagay ng pampublikong charging station para na rin sa likas-kayang paglalakbay na madaling mapuntahan ng lahat.
Ang inilagay na charging station ay may 30-kilowatt DC charger at isang 22-kilowatt AC charger para sa mabilis at wastong pamantayan sa sinumang nagmamay-ari ng electric vehicle na walang pribadong pasilidad na pagkakargahan ng baterya.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno na ang proyekto ay sumasalamin sa pangako ng lokal na pamahalaan na mag-plano ng maaga para sa pangangailangan ng mga motorista sa daratinig na panahon.
“Hindi ka na kakabahan na, baka mamaya, ma-traffic ako, wala akong charging station,” sabi ng alkalde at idinagdag na hindi tulad ng charging station sa mga pribadong establisimiento, ang Manila City Hall Charging Station ay bukas sa lahat ng nagnanais mag-charge ng kanilang electric vehicle.
Ang ACMobility na nangangasiwa na higit sa 200 EV charging hub at may mahigit 600 charge points sa buong kapuluaan ay nagpahayag na plano pa nilang maglagay ng karagdagang charging stations sa Bagong Ospital ng Maynila at sa Sta Ana Hospital.
Pinasalamatan naman ni Mayor Isko ang team ng ACMobility sa ginanap na seremonya at sinabing isa itong patunay na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at pribadong sektor, kayang magtayo ng mga imprastraktura para sa isang hinaharap na kuryente na ang gamit ng mga tumatakbong sasakyan. (Edison de Jesus)

