Matagumpay na nabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan ang isang hinihinalang drug den matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Minuyan Proper, San Jose del Monte City, Bulacan.
Isinagawa ng PDEA ang operasyon sa pakikipagtulungan ng PNP-RIU-PIT Bulacan East, na nagresulta sa pagkakaaresto sa maintainer nito na si alyas “Loloy,” na sinasabing matagal nang nagpapatakbo ng ilegal na aktibidad sa lugar, kasama ang anim pa nitong galamay.
Kinilala ng PDEA team leader ang mga arestadong suspek na sina alyas Loloy, 49; alyas Dave, 28; alyas Rody, 49; alyas Mike, 35; alyas Berong, 36; alyas Jer, 37; at alyas Dante, 37.
Napag-alamang ang pitong suspek ay isinusuka ng barangay dahil pagtutulak lamang ng iligal na droga ang ginagawa at ayaw magtrabaho ng marangal.
Sa operasyon ay limang heat-sealed sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya, na pinaghihinalaang shabu, ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Ayon sa mga awtoridad, tinatayang umabot sa 6.6 gramo ang kabuuang bigat ng mga nakumpiska nila na hinihinalang ilegal na droga.
Kabilang sa mga nakumpiska ang isang sachet na ginamit bilang ebidensya sa transaksyon ng poseur-buyer, habang ang iba ay nakuha sa isinagawang paghahanap matapos maaresto ang mga suspek.
Isinagawa rin ang imbentaryo at pagmamarka sa mga nakumpiskang ebidensya alinsunod sa itinakdang proseso upang mapanatili ang integridad ng mga ito at magamit sa kaukulang paglilitis.
Inihahanda naman ang pagsasampa ng mga kaukulang kaso laban sa mga naaresto sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang koordinasyon ng PDEA at PNP sa pagsasagawa ng mga operasyon kontra ilegal na droga bilang bahagi ng kampanya upang sugpuin ang mga hinihinalang drug den at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa kalakalan ng ilegal na droga sa San Jose del Monte City, Bulacan.(Danilo Gravador)

