Arestado ang dalawang personalidad na itinuturong pumatay sa isang lalaki na natagpuan ang bangkay sa San Marcelino, Zambales kamakalawa.
Una rito ay isang tawag mula sa isang concerned citizen ang natanggap ni PMajor Exodus Rodriguez, hepe ng San Marcelino MPS, kung saan isang bangkay na may saksak sa bandang leeg ang natagpuan sa Purok 4, Brgy. Lucero, San Marcelino.

Agad namang binigyan ni PColonel Benjamin P. Ariola, provincial director ng Bataan PPO, ng direktiba ang mga kapulisan ng San Marcelino MPS, Provincial Intelligence Unit, at Provincial Investigation and Detective Management Unit para mag-imbestiga at mangalap ng impormasyon ukol sa insidente.
Batay sa mga nakalap na impormasyon ng mga operatiba, napag-alaman na nakipag-inuman ang biktima sa apat na kalalakihan.

Pagkatapos ng kanilang pagsasaya ay sinasabing nagpaalam ang dalawang suspek na ihahatid ang biktima pauwi habang naiwan naman ang dalawa pa nilang kasamahan.

Nang makarating sa lugar na pinangyarihan ng krimen, nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng mga suspek at ng biktima hanggang pinagtulungan nilang pagsasaksakin ang biktima at iniwang wala ng buhay.
Matapos ang masusing imbestigasyon at pag-backtrack ng mga CCTV footage, natukoy ng mga awtoridad ang lokasyon ng dalawang suspek at naaresto ang mga ito.

Narekober mula sa isa sa mga suspek ang cellphone ng biktima at napag-alaman din na ang isa sa kanila ay miyembro ng grupong “True Brown Style.”

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng San Marcelino MPS ang dalawang suspek na nakatakdang sampahan sa kasong murder sa korte.

Nakikipag-ugnayan na rin ang mga operatiba sa dalawa pang kasamahan ng dalawang naarestong suspek para tumayong testigo sa kaso.(Danilo Gravador)

Share.