Iginiit ni US President Donald Trump na kukunin ng Amerika ang stockpile ng highly enriched uranium ng Iran at tutol ito sa plano ng Tehran na maningil ng bayad sa mga barkong daraan sa Strait of Hormuz.
Sa pahayag sa White House, sinabi ni Trump na hindi papayagan ng US na manatili sa Iran ang uranium na pinaniniwalaang maaaring gamitin sa paggawa ng nuclear weapon, bagamat iginiit ng Tehran na para lamang ito sa mapayapang layunin.
“We will get it. We don’t need it, we don’t want it. We’ll probably destroy it after we get it, but we’re not going to let them have it,” ani Trump.
Ayon naman sa dalawang senior Iranian sources, naglabas umano ng direktiba si Supreme Leader Mojtaba Khamenei na hindi dapat ilabas ng bansa ang uranium stockpile nito.
Kinontra rin ni Trump ang planong paniningil ng Iran sa mga barkong dadaan sa Strait of Hormuz, isang mahalagang rutang dinadaanan ng langis at natural gas sa buong mundo.
“We want it open, we want it free. We don’t want tolls. It’s an international waterway,” dagdag niya.
Anim na linggo matapos magkabisa ang ceasefire, nananatiling mabagal ang usapan upang tuluyang wakasan ang sigalot sa pagitan ng US at Iran. Ayon sa mga source, posibleng bumiyahe sa Tehran si Pakistan Army Chief Asim Munir upang mamagitan sa negosasyon.
Samantala, patuloy na naaapektuhan ang pandaigdigang ekonomiya dahil sa pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan. Umabot sa $101.42 kada bariles ang US crude habang nasa $107.71 kada bariles naman ang Brent crude.
Nagbabala rin si Trump na handa nitong ipagpatuloy ang pag-atake laban sa Iran kung hindi nito makukuha ang “right answers” mula sa liderato ng Tehran.
Sa panig naman ng Iran, sinabi ng Deputy Foreign Minister na may karapatan umano ang bansa sa Strait of Hormuz at maaari itong gumawa ng “practical and proportionate measures” para sa seguridad nito.
Ayon sa International Energy Agency, nagdulot na ang sigalot ng pinakamalalang energy shock sa mundo at maaaring lumala pa sa mga susunod na buwan dahil sa mataas na demand sa langis ngayong tag-init.

Share.