Muling paaarangkadahan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Quezon ang pagtatanim ng ube bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng demand sa naturang produkto, maging sa international market.
Ayon kay Quezon Governor Doktora Helen Tan, tatlong uri ng ube ang natukoy na maaaring palawakin ang produksiyon sa lalawigan.
Pinag-aaralan na rin kung aling mga bayan sa Quezon ang may pinakaangkop na lupa at kondisyon para sa bawat variety upang matiyak ang mas magandang ani at tuloy-tuloy na produksyon.
Layunin ng programa na magbukas ng bagong oportunidad sa mga magsasakang Quezonian, lalo na sa gitna ng lumalawak na merkado para sa ube at mga produktong gawa rito.
Sa pagtukoy sa mga lugar na pinakamainam para sa pagtatanim, inaasahang magiging mas sistematiko at produktibo ang pagpapalago ng ube industry sa lalawigan.
Hangad ng pamahalaang panlalawigan na maging dagdag-kita at bagong kabuhayan ito ng mga magsasaka, habang napapalakas ang agricultural production ng Quezon at nasasagot ang lumalaking pangangailangan sa ube sa loob at labas ng bansa.

