Arestado ang isang notoryus na tulak sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Barangay Pulong Sampaloc, Doña Remedios Trinidad (DRT), Bulacan kamakalawa ng gabi .
Ayon sa ulat ni PMajor Marc Henry SJ Gonzales, acting chief of police ng Doña Remedios Trinidad (DRT) Municipal Police Station (MPS), naaresto ang suspek humigit-kumulang alas-8:20 ng gabi ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU).
Isinagawa ang naturang operasyon sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA Control No. 3-00-08282026-013 at TIP No. B-2026-039-PRO3-BULPPO-DRTMPS).
Nakuha sa operasyon ang humigit-kumulang 3.0 gramo ng hininalang shabu na tinatayang may Standard Drug Price na ₱20,400.00.
Bukod dito, nakumpiska rin bilang non-drug evidence ang isang ₱500 buy-bust money na may serial number na AD2627567 at isang kulay puting kahon ng sigarilyo na may tatak na RGD.
Isasampa laban sa suspek ang kasong paglabag sa Article II, Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang pantao at Miranda Rights sa wikang Tagalog matapos ang pag-aresto.
Dinala agad ang suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya sa DRT MPS para sa kaukulang disposisyon at pagpoproseso ng kaso.(Danilo Gravador)

