Nagsama-sama ang tinig ng mga mang-aawit ng Kundiman, ang tatas ng mga manunula ng Balagtasan, at ang indayog ng mga katutubong mananayaw, at ipinakita ang sining at talento ng mga Bulakenyo sa KBS Rewaynd: Kompetisyong Bayan sa Singkaban na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos, Bulacan kamakalawa.
Higit sa pagpapakita ng talento, nagsisilbi rin ang KBS Rewaynd bilang pagdiriwang ng mayamang makasining na tradisyon ng lalawigan, na nagbibigay sa henerasyon ng kabataan ng pagkakataon na muling tuklasin, pahalagahan, at ipagpatuloy ang pamanang kultural na ipinamana ng kanilang mga ninuno.
“Mapalad kayo sapagkat ang dugong nananalaytay sa inyo ay dugo ng mga makata at mga bayani ng liping Bulakenyo. Mapalad ang bawat kabataang Bulakenyo dahil tangan-tangan ninyo ang husay at galing ng isang Bulakenyo,” ani James Santos, kinatawan ni Gobernador Daniel R. Fernando.
Sa kategorya ng Katutubong Sayaw, nag-kampeon ang Guintong Lahi Dance Troupe ng Guiguinto, na sinundan ng Hiyas ng Hagonoy Folkloric Group ng Hagonoy sa ikalawang pwesto, at ng Ministry of Action Song Interpreter’s Guild ng Bulakan sa ikatlong pwesto.
Para sa kategorya ng Balagtasan, nagwagi ang Tuktukan Elementary School ng Guiguinto ng unang pwesto, habang ang Hangga Elementary School ng Hagonoy sa ikalawang pwesto, at Baliwag North Central School ng Lungsod ng Baliwag sa ikatlo.
Samantala, si Alliyah Sophia G. Piscasio ng Marcelo H. Del Pilar National High School (MHDPNHS) ang nakakuha ng pinakamataas na pwesto sa kategorya ng Kundiman, habang si Stephen Walter Guttierez ng Bulacan State University ang pumwesto sa ikalawa, at si Rhianna Lei Francisco, mula rin sa MHDPNHS, sa ikatlong pwesto.
Ayon kay Piscasio, ang pagtatanghal sa kompetisyon ay pagkakataon upang ibahagi ang kanyang talento sa kapwa niya Bulakenyo habang ipinagdiriwang ang tradisyong kultural na dapat pangalagaan.
“Mahalaga ang ganitong uri ng kompetisyon para mabalik-balikan po natin ang ipinamana sa atin ng ating mga ninuno para mas mapahalagahan pa po natin ito sa susunod na henerasyon,” anang batang mang-aawit ng Kundiman.
Binigyang-diin ni Provincial History, Arts, Culture, and Tourism Office OIC-Head Limuel Jan J. Lobederio na higit sa pagiging kompetisyon, ang KBS Rewaynd ay parehong alaala ng nakaraan at pagpapatuloy ng buhay na kultura ng Bulacan.
Ang KBS Rewaynd ay bahagi ng isang buwang pagdiriwang ng Singkaban Festival 2026 na naka-angkla sa temang “Kultura ng Integridad, Pamana ng Pagkakaisa”.(Danilo Gravador)

