Iminungkahi ng Department of Finance (DOF) ang mas mataas na buwis sa matatamis na inumin, e-cigarettes, alak, plastik, mamahaling sasakyan, aircraft, yate, alahas at pabango upang mabawi ang tinatayang P67-bilyong mawawala sa kita ng pamahalaan dahil sa panukalang tax relief.
Sinimulan ng House Committee on Ways and Means nitong Martes, Agosto 4, ang pagtalakay sa Pro-Growth Revenue Enhancement for Sustainable Spending o ProGRESS package.
Kasama sa panukala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtataas sa tax-exempt annual income ceiling mula P250,000 patungong P350,000 at pag-aalis sa 2-percent minimum corporate income tax para sa mga kuwalipikadong micro at small enterprises.
Tinataya ng DOF na makikinabang dito ang hindi bababa sa 3.13 milyong taxpayer at 78,000 micro at small businesses, ngunit posibleng bumaba nang P67 bilyon ang koleksyon ng gobyerno sa 2027.
Upang mabawi ito, iminungkahi ng DOF na itaas mula P6 patungong P20 kada litro ang excise tax sa sweetened beverages na gumagamit ng caloric sweeteners. Mula P12 naman ay gagawing P40 kada litro ang buwis sa mga inuming gumagamit ng high-fructose corn syrup, na may 5-percent annual indexation.
Nais din nitong alisin ang tax exemption sa 100-percent natural fruit at vegetable juices, ice cream, frozen yogurt at iba pang edible ices.
Ayon kay Adriano, maaaring bumaba nang 27.2 percent ang konsumo ng sweetened beverages at humigit-kumulang 32 percent naman sa carbonated drinks.
Iminungkahi rin na ipantay sa tradisyunal na sigarilyo ang buwis sa heated tobacco at vapor products sa P72.93 sa 2027, na may 5-percent taunang pagtaas. Papatawan naman ng P72.93 kada dalawang milliliters ang novel tobacco products at P150 bawat unit ang mga e-cigarette device.
Nais ding itaas ng DOF ang excise tax sa distilled spirits mula P74.16 patungong P157.21 kada proof liter sa 2027, na may 6-percent annual indexation.
Papatawan naman ng P150 kada kilo ang plastic sando bags, labo bags at sachets, na may 5-percent taunang pagtaas.
Sa wealth tax component, itataas mula 50 percent patungong 75 percent ang buwis sa mga sasakyang nagkakahalaga ng hindi bababa sa P8 milyon. Mula 20 percent ay gagawing 25 percent ang buwis sa aircraft, yate at private vessels, alahas at pabango.
Iminungkahi rin ng DOF na i-adjust ang motor vehicle user’s charge batay sa inflation.
Kapag naisabatas, inaasahang makalilikom ang mga panukalang ito ng P112.44 bilyon sa 2027, kabilang ang P88.10 bilyon mula sa mas mataas na buwis sa sweetened beverages, sin products at flexible plastics.
Gayunman, nagbabala si House Committee on Ways and Means Chairperson Rep. Miro Quimbo na maaaring maapektuhan ang mahihirap at middle class sa buwis sa plastic bags at mas mataas na motor vehicle user’s charge.
Nagpahayag din si Quimbo ng pag-aalinlangan sa panukalang pagtaas sa motor vehicle user’s charge.
Nagbabala naman si Batangas 6th District Rep. Ryan Recto na maaaring lumala ang smuggling kapag sobra ang itinaas sa buwis sa alak at sigarilyo.
Hiniling din ni Albay 1st District Rep. Cielo Krisel Lagman na muling pag-aralan ang patuloy na tax exemption ng 3-in-1 coffee.
=====

Share.