Mag-iisyu ang Bureau of Customs (BOC) ng warrant of seizure and detention laban sa sports car ni Derek Ramsay dahil sa umano’y misdeclaration at hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Nauna nang isinuko ni Ramsay sa Land Transportation Office (LTO) ang Porsche 918 Spyder matapos mahuling gumagamit ng pekeng plaka habang nasa pampublikong kalsada.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa isang press briefing nitong Lunes, ipasusubasta ang sasakyan matapos ang seizure proceedings at hindi ito sisirain, wawasakin o ido-donate.

Ang Porsche 918 Spyder, na noon ay nagkakahalaga ng P50 milyon hanggang P100 milyon, ay idineklara umano sa BOC bilang Porsche Boxster na tinatayang P10 milyon lamang ang halaga.

Na-import umano sa bansa ang sasakyan noong 2021.

Kinilala ni Nepomuceno ang importer na isang kompanya sa United Arab Emirates, ang shipper na Emirates National General Trade, consignee na Tobirama Enterprises, at BOC official na nangasiwa sa importasyon na si Richard Singh Colasco.

Batay sa dokumentong nakalap ng Abante, mahigit P1.8 milyon lamang ang binayarang duties, taxes at charges, kahit dapat umano itong umabot sa P30 milyon o higit pa.

Sinabi ni Nepomuceno na maaari ring ipatawag sa imbestigasyon si Ramsay, na nagmay-ari ng sasakyan sa loob ng humigit-kumulang apat na taon. 

 

Share.