Inihayag ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nitong Sabado na nakatanggap na ang ahensya ng impormasyon hinggil sa posibilidad na may ilan pang personalidad na bibigyan ng arrest warrants mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.

May ilang  hindi kumpirmadong ulat na maglalabas dili kaya’y nakalabas  na ang arrest warrant  mula sa ICC laban kay Sen.Bong Go kaya’t nababahala ang ilan na  maaaring magtago  na rin siya  tulad  ni Sen. Bato dela Rosa.

Ayon kay Matibag, may nakahandang protocol ang NBI sa pagpapatupad ng warrant of arrest, anuman ang personalidad at mga krimeng ibinibintang.

 Binigyang-diin niya na handa ang ahensya na ipatupad ang kautusan sakaling ito’y mailabas.

“Ayaw naming pangunahan ang mga personalidad na maaaring mabigyan ng warrant, kaya’t hindi namin tinatalakay kung paano ito nagsimula,” ani Matibag .

Dagdag pa niya, may impormasyon ang NBI na “ilang” personalidad pa ang bibigyan ng warrants mula sa ICC.

Noong Pebrero 13, pinangalanan ng ICC sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pang personalidad bilang mga co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y crimes against humanity kaugnay ng pagpapatupad ng kampanya kontra droga.

Sa dokumentong isinumite ng Office of the Prosecution, nakasaad na mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019, si Duterte at ang kanyang mga co-perpetrators ay may “common plan” o kasunduan na “neutralize” ang mga pinaghihinalaang kriminal sa Pilipinas, kabilang ang mga iniuugnay sa paggamit, pagbebenta, o produksyon ng droga, sa pamamagitan ng mararahas na krimen gaya ng pagpatay.

Share.