Naghain ng resolusyon si House Assistant Majority Leader at FPJ Panday Bayanihan party-list Rep. Brian Poe upang himukin ang Energy Regulatory Commission (ERC) na bilisan ang pagpapatupad ng nasa P9 bilyong ire-refund ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga kustomer nito.
Ayon kay Poe, makatutulong ang refund upang maibsan ang hirap ng maraming pamilyang Pilipino bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
“Ang P9 bilyong ito ay pera ng mga konsyumer. Hindi sila dapat maghintay ng tatlong taon para maibalik ang pondong nararapat na sa kanila,” sabi ni Poe.
“Sa panahong maraming pamilyang Pilipino ang nahaharap sa mataas na singil sa kuryente, ang pagpapabilis ng refund ay magbibigay ng mas makabuluhan at agarang ginhawa sa milyon-milyong kabahayan,” dagdag pa nito.
Naghain ng dalawang petisyon ang Meralco sa ERC upang maibalik sa mga kustomer nito ang sobrang nakolekta sa distribution charge noong 2025 dahil mas mababa ang aktwal na singil kumpara sa itinakda ng ERC.
Sa House Resolution 1126, hinimok ni Poe ang ERC na ipatupad ang refund sa loob lamang ng isang taon sa halip na sundin ang rekomendasyon ng Meralco na gawin ito sa loob ng 36 buwan.
Kung susundin ang nais ng Meralco, aabot sa P0.09 kada kilowatt hour ang refund.
Iginiit rin ni Poe sa resolusyon ang kahalagahan na matiyak ng ERC na bawat sentimong nararapat ibalik sa mga konsyumer ay maibabalik sa oras upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa regulasyon ng industriya ng kuryente at sa mga mekanismong nagpoprotekta sa kapakanan ng mga konsyumer.
Trending
- BERLIN OPEN: EALA PASOK SA QUARTERFINALS
- Italya nangunguna sa VNL sa Pinas
- Kathryn, may reax sa nangyayari sa pulitika
- Emma Tiglao, to-the-rescue sa lindol victims
- Kris, hirap bumangon sa kama, lumalaban
- June 24 special non-working day sa Maynila
- PBBM: laban sa korapsyon, pangunahing prayoridad
- P15,000 taunang subsidy para sa STEM freshmen, inilunsad ng GSIS

