Ibinasura ng Makati City Prosecutor’s Office ang reklamong cyberlibel, unjust vexation, at gender-based online sexual harassment na inihain ni Jasmine Curtis-Smith laban kay Atty. Ferdinand Topacio.
Sa 13-pahinang resolusyon na may petsang Hulyo 1, sinabi ng mga prosecutor na walang sapat na ebidensya upang sampahan ng kaso si Topacio.
Ayon sa piskalya, ang mga naging pahayag ni Topacio ay may kaugnayan sa naging komento ni Congressman Bong Suntay sa impeachment hearing ni Vice President Sara Duterte at maituturing na bahagi ng isang lehitimong komentaryo sa usaping may pampublikong interes.
“This Office finds that respondent’s statements, though highly critical, do not constitute defamation as it is akin to a fair commentary on matters of public interest, covered by qualified communication,” ayon sa resolusyon.
Matatandaang sinabi ni Suntay sa isang pagdinig ng Kamara de Representantes na may nag-init umanong “desire” sa kanyang loob nang minsang makita si Anne.
Dinepensahan naman ni Topacio ang mambabatas, kung saan binatikos niya si Jasmine matapos nitong kondenahin ang naging pahayag ni Suntay.
“Kayong mga artista ha, ‘yung mga ganyan… ikaw Jasmine, bakit ka nagpo-post ng mga bikini picture mo sa social media, sa mga pahayagan? Hindi ba para ikaw ay pagnasaan? Para ikaw ay sumikat?” ani Topacio.
Ibinasura rin ng piskalya ang mga reklamong unjust vexation at gender-based online sexual harassment dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
=====
Trending
- Pacquiao exhibition fight sa huling bahagi ng taon
- 9 atleta sa 2026 Summer Youth Olympics
- Rabiya Matteo officially enrolled sa UST Medicine
- Ion ipinatattoo ang birthday ni Vice
- Heart Evangelista mas pinili ang pera vs kaibigan
- Reklamo ni Jasmine Curtis-Smith vs Topacio ibinasura
- Show cause order sa viral video
- Principal arestado sa pagpatay sa guro

