Nanawagan si Risa Hontiveros ng buong pagbabalik ng umano’y sobra-sobrang singil ng Meralco, iginiit na kulang at matagal nang overdue ang P14.17-bilyong refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ayon sa senador, dapat umabot sa humigit-kumulang P100 bilyon ang maibalik sa mga konsyumer, dahil ang kasalukuyang refund ay maliit lamang na bahagi ng kabuuang halaga.
Nauna nang inatasan ng ERC ang Meralco na ibalik ang nasa P14 bilyon sa loob ng 12 buwan, sa pamamagitan ng bawas na P0.2511 kada kilowatt-hour sa bayarin ng mga customer, na makikita bilang “AWAT (Refund)/Collect.”
Gayunman, binigyang-diin ni Hontiveros na ang naturang halaga ay bahagi lamang ng natitirang balanse mula sa naunang P19.96-bilyong refund na iniutos noong 2025—patunay umano na may mga pondong hindi pa naibabalik.
Itinuro rin niya ang ilang isyu sa pagkukuwenta ng singil sa kuryente, kabilang ang umano’y mataas na weighted average cost of capital, posibleng overstatement ng regulatory asset base, at doble umanong pagbilang sa inflation mula pa noong 2012.
Dahil dito, hinimok ng senador ang ERC na magsagawa ng malawak at independiyenteng review sa sistema ng pagpepresyo at paniningil sa kuryente, at tiyaking maibalik ang lahat ng labis na siningil.
Binigyang-diin pa niya na habang ang refund ay dahan-dahang ibinibigay, ang pagtaas ng singil sa kuryente ay agad na ipinapataw—kaya’t aniya, dapat munang maitama ang sistema bago magdagdag ng panibagong pasanin sa mga konsyumer.

Share.