Ibinunyag ni Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate committee on public services, ang sangkaterbang reklamo na kanyang natanggap mula sa mga dating consumes ng PrimeWater na nag-rebrand na bilang Hiraya Water Corporation.
Matatandaan na noong Disyembre 12, 2025 ay binili ng Crystal Bridges ang PrimeWater at Abril 7, 2026 nang aprubahan ang transaksiyong ito ng Philippine Competition Commission (PCC).
Pagdating ng Hunyo 10, 2026, pinalitan ang pangalan ng PrimeWater at naging Hiraya Water Corporation, at inilipat rin ang lokasyon ng kanilang principal office.
Pero sa kabila ng pagpapalit-palit ng pagma-may-ari nito, sinabi ni Tulfo na patuloy pa rin ang kalbaryo ng mga consumers nila dahil sa mahinang supply ng tubig, hindi bumababang water bill, kaunting oras ng water supply, at mala-burak na tubig na hindi ligtas inumin.
“Nagbago na ang owner ng PrimeWater, pero patuloy pa rin ang reklamo. Hanggang may consumers na naghihintay ng solusyon, hindi natin ito bibitawan,” sabi ni Tulfo.
“To be fair, Crystal Bridges did not create PrimeWater’s problems. Pero kapag bumili ka ng kumpanya, hindi lang assets at revenue ang kasama. You inherit the existing contracts, debts and obligations, pending cases, unfinished commitments and consumers na – Galit na – Uhaw pa,” dagdag niya.
Ani Tulfo, tila lumang tugtugin na nga ang mga sumbong ng mga kinawawang consumers ng Hiraya Corporation na ilang taon nang nagdusa dahil sa PrimeWater.
Inihalimbawa niya ang San Jose Del Monte, Bulacan kung saan mahigit 250,000 residente ang apektado ng hindi maayos na water supply at sa Batangas City na napeperwisyo pa rin ang consumers dahil hindi maayos ang serbisyo ng Hiraya.
Ayon kay Tulfo, dapat matuldukan na ang problema sa tubig sa pamamagitan ng pangmatagalang solusyon upang hindi na maranasan ng mga consumers ang bulok na serbisyo.
Ang isa pa sa problemang tinalakay ni Tulfo ay ang kalituhan na dulot ng pangalan ng Hiraya Water Corporation dahil mayroon nang naunang “Hiraya” na associated sa isang water sector, pero naaprubahan pa rin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kanilang pangalan.
Dahil dito, ang mga reklamong para sana sa Hiraya Water Corporation ay ipinapadala ng ilang consumers sa Hiraya Water na siyang napeperwisyo.
Kaya naman inatasan ni Tulfo ang SEC para sa posibleng pagkansela sa corporate name ng Hiraya Water Corp. upang maobliga itong palitan ang nasabing pangalan nang sa gayon ay hindi na maperwisyo ang Hiraya Water, bagay na sinang-ayunan ng kinatawan ng SEC na si Atty. Ria Castillo.
====

