Pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng isang bagong establisyemento sa Santa Maria, Bulacan dahil walang kaukulang balidong permiso para mag-operate mula sa pamahalaang lokal..

Nagbukas ang Piso-Piso Bundle Warehouse sa may J.P. Rizal St.,Dulongbayan, Santa Maria nitong Oktubre 10 at ito ay dinagsa ng humigit-kumulang sa 1,000 katao na nagnanais maka-avail ng discounted sale.

Dahil sa biglaang pagdagsa ng mga kostumer ay nagresulta ito sa malubhang trapik sa bayang Santa Maria kaya nagbigay ng police security assistance ang Santa Maria MPS na pinamumunuan ni PLt. Col, Mark Louie Sigua.

Sa kahilingan ng pamunuan, dakong tanghali ng araw din na iyon ay pansamantalang isinara ang bodega upang maiwasan ang pagsisikip at posibleng hindi inaasahang mga insidente.

Dakong alas-3:00 ng hapon ay nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan mula sa Pamahalaang Bayan ng Santa Maria at napag-alamang walang balidong License to Operate ang establisyimento.

Dahil dito, ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ang pansamantalang pagtigil sa mga operasyon nito habang nakabinbin ang pagsunod sa mga kinakailangang permit at lisensya.

Pansamantalang isinara ang bodega nitong Linggo, Oktubre 11, upang asikasuhin umano ng mga namamahala ang mga napinsala sa warehouse na dulot ng pagdagsa ng mga tao kasunod ang paghingi nila ng paumanhin sa publiko.


Patuloy namang minomonitor ng mga kinauukulang tanggapan ang sitwasyon para sa kapakanan ng publiko at pinapaalalahanan ang lahat na maghumanap ng alternatibong ruta kung kinakailangan.


Ang Santa Maria MPS ay nananatiling nakatuon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko at kapayapaan at kaayusan at sa pagbibigay ng naaangkop na tulong sa mga awtoridad ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga naaangkop na batas, ordinansa, at regulasyon.(Danilo Gravador)

Share.