NAKATUTOK ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagbuwag sa illegal drugs distribution network sa Kalakhang Maynila.

Paiigtingin ng NCRPO ang pagbabantay at imbestigasyon sa mga hinihinalang network ng distribusyon ng droga, tutunton sa mga lead kaugnay ng paggalaw ng ilegal na droga papasok at sa loob ng Metro Manila, at tutukuyin ang posibleng ugnayan sa pagitan ng mga lokal na distributor at mas malalaking organisasyong kriminal.

Alinsunod sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na buwagin ang mga nagbabagong pamamaraan ng mga sindikato ng droga, sinabi ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano na ang mga impormasyong makakalap ng mga police district ay beripikahin at ibabahagi sa mga kinauukulang ahensya upang suportahan ang koordinadong imbestigasyon at targeted operations sa gitna ng walang humpay na kampanya laban sa ilegal na droga.

Inilabas ni NCRPO chief ang kautusan kasunod ng mga kamakailang nasabat na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kabilang ang walong inbound parcel na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱43.7 milyon na naharang noong Oktubre 9, at 73 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱496.4 milyon na nadiskubreng nakatago sa loob ng makinang pang-industriya na ipinadala mula Mexico.

Tinitingnan din ng PNP ang naiulat na pagkumpiska ng 521 kilo ng hinihinalang shabu sa isang pribadong jet sa Laos at isa pang hinihinalang shipment ng shabu sa Thailand, na parehong naiulat na patungo sa Pilipinas.

Sinabi ni PBGen. Abrahano na binibigyang-diin ng mga kasong ito ang pangangailangan para sa tuloy-tuloy na pangangalap ng intelligence at mas malakas na koordinasyon sa pagitan ng mga law enforcement agency upang maiwasang makarating ang ilegal na droga sa mga lokal na komunidad.

Nagbabala rin nang mahigpit si PBGen. Abrahano sa mga tauhan ng pulisya na maaaring sangkot sa ilegal na transaksyon ng droga o gumagamit ng kanilang posisyon upang protektahan ang mga sindikato ng droga. (Gina Garcia)

Share.