MALAKI ang posiblidad magkaroon ng work stoppage order ang Atienza Insteriland Shipping Lines matapos na makitaan pa ng mga paglabag ang iba pa nilang barko.
Sa panayam ngayong umaga kay Labor Secretary Francis Tolentino , sinabi ng kalihim na matapos ang isinagawang pagdinig noong Biyernes , Oktubre 9 inakyat ng kanilang labor inspectors ng NCR noong Sabado ang dalawa pang barko na nasa Navotas . Ito aniya ay mga naglalayag pa.
Ayon kay Sec.Tolentino , napag-alaman na wala silang safety officer , wala ring emergency preparedness plan , occupational safety and health program.
Pagdating sa sahod , may komputasyon din aniya na hindi napapasahod ng tama ang kumpanya.
“Binigyan na ng direktiba ang employer-management ng Atienza na in 10 days na paswelduhin na ng tama ‘, ani Tolentino.
Inaasahan naman na magkakaroon ng final evaluation ngayong Lunes , Oktubre 12 kung saan posibleng isara na ang kumpanya .
Matatandaang isa sa barko ng Atienza Shipping na MV June Aster ay nasunog sa karagatan ng Coron, Palawan noong September 9 kung saan 77 ang iniulat na namatay, 43 ang survivor habang 8 pa ang nanatiling missing . (Nino Aclan)

Share.