Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang lalaki na sangkot sa pagnanakaw sa isang Korean national sa Angeles City, Pampanga.

Sa ulat mula kay P/Colonel Robert > Domingo, officer-in charge ng Angeles City Police Station, bandang alas-8:30 ng gabi nitong Oktubre 10, 2026, nasakote ng mga tauhan ng Police Station, CIU, CIDMU, RSOG3, Regional RID3, at RIDMU3 ang isang 38-taong-gulang na lalaki na naninirahan sa Barangay Amsic, Angeles City.

Ang suspek ay sangkot sa isang pagnanakaw gamit ang puwersa at pananakot (robbery-holdup) na naganap bandang alas-5:55 ng umaga ng parehong araw sa loob ng JM Lodge sa Batangas Street, Barangay Balibago, Angeles City, kung saan ang biktima ay isang 41-taong-gulang na negosyanteng Koreano.

Sa operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang isang Glock 22 Gen 5 caliber .40 pistol na may nakasingit na magazine na naglalaman ng siyam na bala, kasama ang isang hand grenade, na lahat ay natagpuan sa loob ng isang sling bag.

Narekober din ng mga awtoridad ang isang EVO helmet (itim), isang HNJ helmet (kulay abo), berdeng pantalon, isang puting jersey sando, at isang itim na jacket na sinasabing suot ng suspek sa insidente ng krimen.

Bukod pa rito, nakumpiska rin ang isang itim na NMAX V2 motorcycle, na pinaniniwalaang ginamit bilang getaway vehicle at natagpuan din ang cellphone at bag ng biktima sa loob ng compartment ng motorsiklo.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng pulisya para sa wastong dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.(Danilo Gravador)

Share.