Muling gumawa ng kasaysayan ang Filipina swim coach at hybrid athlete na si Alizon Ruiz matapos ang kanyang paglangoy ng 24 kilometro mula Leyte hanggang Bohol nitong Linggo, Agosto 23.
Umabot ng 11 oras at 16 minuto ang kanyang non-stop na paglangoy sa open sea bago niya narating ang kabilang panig, ayon sa article na isinulat ni Filipino sports journalist Dyan Castillejo.
Hindi ito ang unang pagkakataon na sinubok ni Ruiz ang kanyang kakayahan sa malayuang paglangoy.
Noong Agosto 12, 2025, nilangoy rin niya ang tinatayang 23 kilometro mula Bohol hanggang Cebu, na natapos niya sa loob ng 11 oras at 30 minuto.
Nagsimula ang kanyang Leyte-Bohol swim bandang alas-5:27 ng madaling-araw. Bagama’t kalmado pa ang unang bahagi ng ruta, mabilis na nagbago ang kondisyon ng dagat.
Mula sa unang kilometro hanggang sa humigit-kumulang 21 kilometro, hinarap ni Ruiz ang malalakas na alon na nagmumula sa iba’t ibang direksiyon. May mga pagkakataon daw na pakiramdam niya ay halos hindi siya sumusulong.
Hindi tulad sa swimming pool na may malinaw na lane lines at pader na maaaring hawakan, kinailangan niyang umasa sa kanyang stand-up paddleboarder na nanatili sa kanyang tabi sa buong paglalakbay.
Nasa support boat naman ang iba pang miyembro ng kanyang crew, kabilang ang feeder, first aider, photographer, videographer at observer.
Ayon kay Ruiz, kailangan ang observer dahil isusumite ang kanyang paglangoy sa Marathon Swimming Federation para sa ratification.
Hindi lamang daw pisikal na lakas ang kailangan para matapos ang 24-kilometrong ruta. Kinailangan ding maingat na pamahalaan ni Ruiz ang kanyang enerhiya sa loob ng mahigit 11 oras.
Sa mga unang oras, kumakain siya kada 45 minuto. Umabot sa 10 energy gels ang kanyang nakonsumo, bukod pa sa ilang hiwa ng pakwan at saging.
Kahit ang pag-inom ng tubig ay naging hamon dahil kailangan niyang manatiling nakalutang habang umiinom bago muling ipagpatuloy ang paglangoy.
Hindi rin nakaligtas si Ruiz sa mga panganib ng open water. Sa isang punto ng kanyang paglalakbay, tinamaan siya ng jellyfish sa mukha.
“I didn’t see it, I just felt it. It’s really painful,” aniya.
Binigyan siya ng gamot ng kanyang first aider bago niya muling ipinagpatuloy ang paglangoy.
Pagsapit ng huling bahagi ng ruta, mas seryoso naman ang naramdaman niyang pagod. Matapos ang tinatayang 23.5 kilometro, nagsimula na siyang makaramdam ng matinding pagkaubos ng lakas.
“I can feel that, I can hear my breath already. And I kind of see some colors that is not really there,” saad ni Ruiz.
Gayunman, hindi siya sumuko. Tinapos niya ang huling bahagi hanggang maabot ang 24-kilometrong marka at tuluyang makarating sa exit point.
=====
Trending
- Alex Eala ‘special mention’ ng fashion icon na si Anna Wintour
- ‘Pinay Aquawoman’ Alizon Ruiz gumawa ng kasaysayan
- Nagtaning sa buhay ni Ate Gay, napahiya!
- Puksaan sa acting nina Kathryn at Maja, pinag-uusapan!
- Alex, nanganak na!
- 10K school counselor, ipakakalat
- Baha, guho : Maulan pa rin
- “BAHA ANG PINUNTAHAN, HINDI FASHION RUNWAY”

