Hindi dapat limitado sa magnitude 7.2 na “Big One” ang paghahanda ng Pilipinas sa mga lindol dahil may iba pang fault at trench sa bansa na maaaring magdulot ng mas malalakas na pagyanig, ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol.

Ipinaliwanag niya kung bakit naging sentro ng disaster planning sa Metro Manila ang tinatawag na “Big One.”

Ayon sa kanya, ang terminong “Big One” ay orihinal na tumutukoy sa magnitude 7.2 na lindol na maaaring likhain ng West Valley Fault, na dumaraan sa mga lugar na makapal ang populasyon sa Metro Manila.

Dagdag niya, naging malaking usapin ang naturang senaryo dahil tumatawid ang fault sa Metro Manila, na sentro ng ekonomiya at politika ng bansa.

“Siguro ‘Big One’ because the fault transects densely populated area, Metro Manila, and this is the economic seat of the country, this is the political seat of the country,” aniya.

Gayunman, binigyang-diin ng Phivolcs chief na hindi dapat doon lamang nakatuon ang paghahanda ng publiko.

“Bakit tayo nag-limit sa 7.2? In fact, there are bigger ones in other parts of the country,” saad niya.

Binanggit ng Phivolcs chief ang Gabaldon segment ng Philippine Fault, na aniya ay may kakayahang lumikha ng magnitude 7.9 na lindol.

Gayundin aniya ang Philippine Trench, partikular na sa Samar, na aniya ay may kakayahang lumikha ng mga lindol na kasinglakas ng magnitude 8.5.

Kaya aniya, dapat maging handa sa lahat ng lindol, “Big One” man o hindi.

“We should be prepared for all earthquakes regardless if it’s the ‘Big One.’ Kasi in other parts of the country, as I’ve mentioned, there are bigger ones,” ani Bacolcol.

Hinimok din niya ang mga paghahanda para sa mga lindol na lilikha ng tsunami.

Aniya, sa Philippine Trench, ang lindol na may sapat na lakas at mababaw ay maaaring lumikha ng tsunami waves na walo hanggang 10 metro.

 

Share.