Itinuturing na umano ng Office of the Ombudsman na kahina-hinala ang ilang ulit na pagpapalawig ni Senadora Loren Legarda ng kanyang travel authority para sa medical leave.
Ito ang sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano sa isang press conference nitong Martes, Agosto 18.
“Si Senator Loren Legarda is on her, I believe third or fourth extension of her travel authority for medical reasons. Which we have become to find quite suspicious already… to us, we have to air on the cautious side of things. Kailangan na namin i-flag ‘yan. Dahil meron na siyang on-going case dito sa Office of the Ombudsman,” ani Clavano.
Samantala, nakakuha rin umano ang Ombudsman ng kopya ng travel authority ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na humiling ng dalawang buwang leave mula Hulyo 26 hanggang Setyembre 24, kung saan nakalista ang ilang bansang nakatakda niyang puntahan.
Ayon kay Clavano, nananatili sa France sina Leviste at ang kanyang ina.
Nang tanungin kung posibleng humingi rin ng asylum ang mga ito sa France, gaya ng ginawa ni dating Congressman Zaldy Co, sinabi ni Clavano na posible ito.
“Possible na nag-seek ng asylum. However, the only ground that she would be using to seek for asylum is political persecution. ‘Yun lang po ‘yung pwedeng gawing rason… kung gusto niyang kumuha ng asylum. However, everybody sees the facts. Everybody understands kung ano ‘yung naging problema sa ghost electricity,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Clavano na malapit nang maglabas ang Ombudsman ng kautusan para maghain sina Legarda at Leviste ng kanilang counter-affidavit kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa solar franchise.
Nagsasagawa na rin umano ang Ombudsman ng “concrete steps” para sa kanselasyon ng kanilang mga pasaporte sakaling patagalin pa nila ang kanilang pananatili sa ibang bansa.

Share.