Binigyang-diin ni Solid North Party-list Rep. Ching Bernos na ang pagpapatupad ng pinalawak na maternity benefits ng PhilHealth ay hindi lamang tulong-pinansyal, kundi isang pagkilala sa mahalagang papel ng mga ina sa lipunan.
Ayon kay Bernos, isang rehistradong nurse bago pumasok sa serbisyo publiko, ang hakbang na ito na nagsimula nitong Abril 30 ay “game changer” para sa mga pamilyang Pilipino.
“Childbirth is already financially straining for families, so government support through Philhealth could be the lifeline to ensure that they do not fall into debt because of it,” ani Bernos.
Sa ilalim ng bagong direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., halos triple ang itinaas ng coverage para sa normal delivery na nasa ₱29,000 na ngayon mula sa dating ₱9,750. Ang caesarean section naman ay tumaas tungo sa ₱58,000 mula sa ₱37,000.
Bukod sa panganganak, dinagdagan din ang prenatal checkups mula 4 naging 8 beses at isinama ang mga libreng bakuna at laboratory tests.
Para kay Bernos, ang mga dagdag na checkup ay susi upang maagapan ang anumang komplikasyon sa pagbubuntis.
Dahil nars siya sa propesyon, binibigyang-diin ni Bernos na ang “maternal care” ay hindi lang usaping medikal kundi usaping pinansyal din na dapat tugunan ng gobyerno para maiwasan ang kamatayan
“Marami sa ating mga kababayan ang umiiwas na tumungo sa mga ospital dahil sa takot sa gastos, sa tulong nito, binibigyan natin ang mga pamilya ng ‘peace of mind’.
Nanawagan din si Bernos sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa mga bagong benepisyong ito upang mas maraming kababaihan ang mahikayat na manganak sa mga ligtas na pasilidad at health institutions.
Hindi ito ang unang pagkakataon na isinulong ni Bernos ang kapakanan ng mga health workers at pasyente, bilang mambabatas, aktibo rin siyang nagtutulak ng mga panukala gaya ng Tribal Health Workers Bill, upang matiyak na may nakatutok na health workers sa mga indigenous communities; ang Magna Carta of Barangay Health Workers na nagbibigay ng sapat na incentive at proteksyon sa mga frontliners sa mga baryo at Safe Spaces Act Amendments na pagpapaigting ng proteksyon para sa mga kababaihan.

Share.