NAGBABALA ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko laban sa mga pekeng emergency alert at mga manlolokong nagpapanggap bilang pulis para samantalahin ang takot at kagipitan ng mamayan.
Kabilang na dito ang pagpapakalat ng mga pekeng warrant of arrest, pagpapadala ng mga huwad na emergency alert, at paniningil ng pera kapalit umano ng pag-aayos ng mga kasong kriminal.
Inatasan ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher N. Abrahano ang cybercrime unit ng mga police district at mga hepe ng himpilan ng pulisya na agad beripikahin ang mga ulat,
Dapat masusing imbestigahan ang mga hinihinalang kaso ng pagpapanggap at panloloko, pangalagaan ang mga digital na ebidensiya, at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya upang matukoy at mapanagot ang mga salarin.
Pinayuhan ng NCRPO ang publiko na maging maingat sa pagtanggap ng mga hindi inaasahang tawag, text message, email, o mensahe sa social media na nagsasabing sila ay may warrant of arrest.
Pinayuhan din ang mga mamamayan na itago ang mga digital na mensahe, numero ng telepono, detalye ng account, at mga screenshot na maaaring magsilbing ebidensiya sa imbestigasyon.(Gina Garcia)

