TINIYAK ng Overseas Workers Welfare Administration(OWWA) ang tulong para sa mga pamilya ng mga Marinong nasawi sa insidente ng Tanker.

Kaagad na pinakilos ng OWWA ang welfare and repatriation assistance nito para sa mga pamilya ng dalawang Pilipinong marinong nasawi at sa 14 na nakaligtas na tripulante ng tanker na SIDR, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Migrant Workers (DMW) at sa iba pang kinauukulang ahensya na ibigay ang lahat ng kailangan tulong sa mga apektadong marino at kanilang mga pamilya.

Labing-anim na Pilipinong marino ang sakay ng SIDR nang mangyari ang insidente sa Strait of Hormuz gabi ng 31 Agosto 2026.

Dalawa sa kanila ang nasawi. Ligtas ang 14 na iba pang tripulante at kasalukuyang nasa Oman, kung saan isinasaayos na ang kanilang maagap na pag-uwi sa bansa(Pilipinas).

“Lubos na nakikiramay ang OWWA sa mga pamilya ng ating dalawang marinong nasawi.

Nakipag-ugnayan na nang direkta ang mga Regional Welfare Office sa kanilang mga pamilya upang malaman ang agarang pangangailangan ng bawat isa at maibigay ang kaukulang tulong nang walang pagkaantala,” ani OWWA Administrator Patricia Yvonne M. Caunan.

“Mahigpit ang ating koordinasyon sa DMW, sa Department of Foreign Affairs, at sa ating Welfare Officers sa Oman at Dubai, gayundin sa manning agency at sa may-ari ng barko, upang matiyak ang tuloy-tuloy na suporta sa mga naulilang pamilya at sa 14 na nakaligtas na tripulante,” dagdag pa ni Caunan.

Kabilang sa mga tulong at serbisyong ibinibigay ng OWWA ang mga sumusunod:

• Direktang pakikipag-ugnayan ng Regional Welfare Offices sa bawat pamilya at regular na pagbibigay ng napapanahong impormasyon

• Psychosocial first aid, counseling, at patuloy na suporta para sa mga pamilya at sa mga nakaligtas na tripulante

• Tulong sa repatriation, pagsalubong sa paliparan, transportasyon pauwi sa kanilang mga tahanan, at iba pang agarang pangangailangan

• Pagproseso ng nararapat na OWWA benefits, kasama ang death at burial benefits para sa mga aktibong miyembro, at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang panig para sa contractual entitlements, insurance claims, at iba pang kabayarang nararapat sa ilalim ng kanilang employment contract

• Reintegration at livelihood support para sa mga nakaligtas na marino sa kanilang pagbabalik sa bansa

“Ang pangunahing prayoridad natin ngayon ay ang ligtas na pag-uwi ng 14 na nakaligtas na marino at ang pagpapauwi ng labi ng ating dalawang kababayan.

May direktang umaalalay sa bawat pamilya, mula sa psychosocial support hanggang sa pagproseso ng kanilang mga benepisyo at claims,” ani Administrator Caunan.

Patuloy na makikipag-ugnayan ang OWWA sa DMW, DFA, at iba pang kinauukulang ahensya at katuwang upang mabigyan ang mga pamilya na naapektuhan ng malinaw impormasyon, at matulungan silang makuha ang lahat ng serbisyo, benepisyo, at claims na nararapat sa kanila.

“Hinihiling namin sa publiko at sa media na igalang ang privacy ng mga naulilang pamilya at ng mga nakaligtas na tripulante.

Hinihikayat din ang lahat na umasa lamang sa beripikadong impormasyon mula sa pamahalaan habang nagpapatuloy ang koordinasyon at ang mga paghahanda para sa repatriation,” ani Administrator Caunan.

Maaaring tumawag ang mga pamilya ng OFW na apektado ng insidente sa OWWA Hotline 1348, makipag-ugnayan sa pinakamalapit na OWWA Regional Welfare Office, o mag-email sa owwacares@owwa.gov.ph.

Ipatutupad ng OWWA ang direktiba ng Pangulo hanggang sa matiyak na ang bawat apektadong marino at pamilya ay nabigyan ng agarang, maayos, at tuloy-tuloy na tulong sa panahong higit nila itong kailangan.(Gina Garcia)

Share.