Isang gabi ng karangyaan, inspirasyon, at pagdiriwang ng kagandahan at kakayahan ng mga kababaihan ang nasaksihan sa naganap na Mrs. Philippines International 2026, kung saan tinanghal na pinakabagong reyna si Evangeline Valencia ng Pampanga bilang Mrs. Philippines International 2026.
Pinahanga ni Evangeline ang mga hurado at manonood sa kanyang kahanga-hangang pagganap sa iba’t ibang bahagi ng kompetisyon.
Namukod-tangi siya hindi lamang dahil sa kanyang elegante at kumpiyansang presensya sa entablado kundi lalo na sa kanyang matalinong sagot sa Q and A portion na tumalakay sa mahalagang usapin ng Women Empowerment. Dahil dito, napatunayan niya na ang tunay na kagandahan ay sinasabayan ng talino, malasakit, at kakayahang maging inspirasyon sa kapwa kababaihan.
Bukod kay Evangeline, kinilala rin ang iba pang natatanging kandidata na nagwagi Mrs. Philippines International sa iba’t ibang titulo:
• Mrs. Philippines International Global 2026 – Nika Linz Harris ng Cebu Province
• Classic Mrs. Philippines International Global 2026 – Ethel Joan Poley ng Consolacion, Cebu
• Classic Mrs. Philippines International World 2026 – Zhazha Cornillez-Bio ng Leyte Province
• Mrs. Philippines National Universe 2026 – Sunshine Sanchez ng Rizal Province
• Mrs. Philippines Supranational 2026 – Natalie Wagner ng Quezon Province
• Mrs. Philippines Planet 2026 – Janice Aguilar Santos ng Occidental Mindoro
• Wives Philippines International 2026 – Rosalia De Guzman ng Laguna Province
• Mrs. Philippines Earth 2026 – Aileen Aboratigue ng Coron-Busuanga, Palawan
• Classic Mrs. Philippines Earth 2026 – Rubilyn Asido ng Calamba City
Samantala, isa pang karangalang hatid ng Pilipinas ang pagkapanalo ni Leona Luisa Andersen bilang kauna-unahang Mrs. Cosmo World 2026. Ang kanyang tagumpay ay naging makasaysayan dahil ito ang unang edisyon ng nasabing international beauty pageant. Sa kanyang pagkapanalo, muling ipinakita ng Pilipinas ang husay ng mga Pilipina sa pandaigdigang entablado.
Nakamit naman ni Hana Joan Theresa Iida ng Japan ang titulong Classic Mrs. Cosmo World 2026, habang itinanghal na Mrs. Cosmo International 2026 si Pattawaradee Palakul mula sa Thailand.
Hindi naman ni Maan Cueto-Aris, Presidente at National Director ng Mrs. Philippines International, ang kanyang kasiyahan at pagmamalaki sa ipinakitang galing, talino, at katangian ng mga kandidata sa taong ito. Ayon sa kanya, ang kompetisyon ay hindi lamang tungkol sa kagandahan kundi isang plataporma upang maipakita ng mga kababaihan ang kanilang kakayahang mamuno, magbigay-inspirasyon, at maging huwaran sa lipunan.
“Ang bawat kandidata ay nagsilbing ehemplo ng modernong Pilipina—matatag, matalino, may malasakit, at handang harapin ang anumang hamon. Ang kanilang mga kuwento at adbokasiya ay patunay na ang kababaihan ay may mahalagang papel sa paghubog ng mas maunlad at mas makatarungang lipunan,” ani Cueto-Aris.
Ang matagumpay na pagtatanghal ng Mrs. Philippines International 2026 ay muling nagbigay-diin sa patuloy na pagpapalakas ng boses ng kababaihan at sa kanilang mahalagang kontribusyon sa iba’t ibang larangan. Higit sa mga korona at titulo, ipinagdiwang ng gabi ang lakas, kapangyarihan, kagandahan, at kakayahan ng bawat babae na maging instrumento ng positibong pagbabago sa kanilang komunidad at sa buong mundo. Ang patimpalak ay ginanap noong Sabado, May 30 sa Seda Hotel, Nuvali, Sta Rosa Laguna.
Trending
- Gilas Women U18 tinalo ang Vietnam sa SEABA qualifiers
- Alas Pilipinas kasado na para sa AVC Women’s Cup
- Sugar Mercado super iyak, wagi ng P1M sa dance contest
- Pambato ng Pampanga wagi sa Mrs. Philippines International
- Angelica, tinawag na ‘bionic woman’ ng asawa
- Swimming ban sa Bacuit Bay sa El Nido
- Namboboso sa dormitory, nandedekwat din ng brief
- Fil-Am nasa FBI ‘most wanted list’ dahil sa $34M bingo fraud sa Guam

