Inalok ni Palawan 2nd District Rep. Jose “Pepito” Alvarez ang kanilang lalawigan na pagtayuan ng industrial hub sa ilalim ng Pax Silica Initiatives kung ayaw umano ito ng mga taga-(Central) Luzon. MgaBeach at Pulo
Kasabay nito, pinakalma ni Alvarez ang taumbayan sa Pax Silica dahil lahat aniya ng problema tulad ng supply ng tubig, kuryente, pangangalaga sa kapaligiran ay kaya aniyang solusyunan ng gobyerno.
Gayunpaman, kung sakaling aayawan talaga aniya ng mga taga-Central Luzon ang nasabing inisyatiba sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ay handang tanggapin ito sa Palawan anumang oras.
“Kahit sampung libong ektarya pa ang kailangan nila, napakarami naming lupa na nakatiwangwang,” ayon sa mambabatas na chairman ng House committee on energy.
Sinabi ni Alvarez na kung tubig lamang ang problema ay meron umanong 26 ilog sa Southern Palawan na kayang suplayan ang pangangailangan ng mga itatayong AI technology, pagawaan ng chip at iba pa.
Pagdating aniya sa supply ng kuryente, naniniwala ang mambabatas na magtatayo ang Amerika ng kanilang sariling power supply kaya wala umanong dapat ipangamba ang publiko sa Pax Silica initiatives.
Base sa mga ulat, mangangailangan ng 5 milyong galon ng tubig araw-araw ang mga itatayong pagawaan at 3 hanggang 5 gigawatts ng kuryente kaya tinututulan ito dahil lalong mawawalan umano ng supply ang mga tao kapag nagkataon.
Pagdating sa toxic waste, sinabi ni Alvarez na kaya itong ayusin lalo na’t mayaman aniya sa limestone ang bansa na ginagamit sa pangsala para pakawalan ang tubig sa dagat at mga ilog.
“Lahat ng toxic waste sa mundo except nuclear kaya natin ayusin,” paliwanag ng mambabatas dahil gagamitin aniya ang limestone para malinis ito.
“Yung iba pang mga toxic materials nila meron naman solusyon diyan. Hindi naman magpabaya ang mga gobyerno sa environment,” ayon pa sa mambabatas.
====

Share.