Isinalang na Technical Working Group (TWG) ng House committee on the welfare of children ang panukalang batas panukalang batas nina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Sandro Marcos na nagbabawal sa kabataan na edad 13 pababa na magkaroon ng social media accounts.
Bukod sa pagbabawal sa mga kabataan na magkaroon at magmentine ng social media accounts ay layon din ng House Bill (HB) 9965 o Children’s Social Media Safety Act, na gawing mandatory ang digital literacy sa basic education, para maprotektahan ang mga ito sa online world.
“Hindi po natin puwedeng iasa sa pagbabawal lamang ang kaligtasan ng ating mga anak. If we teach our children how to read and write, in the Age of Social Media, we must also equip them with the knowledge to recognize lies and misinformation on the internet,” ani Dy.
Dahil dito, magsasanib puwersa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd) para sa pagbuo ng Digital Literacy and Ethical Use of Social Media” module sa K to 12 curriculum.
“Ang pinakamalaking panganib ay hindi lamang kung ano ang nakikita ng ating mga kabataan sa social media—kundi kung ano ang paulit-ulit na pinipiling ipakita sa kanila ng mga algorithm. Kaya dapat natin silang bigyan ng kaalaman at kakayahang maging mapanuri, mag-isip nang mabuti, at maunawaan kung paano naaapektuhan ng bawat scroll ang kanilang pananaw sa mundo,” paliwanag ni Dy.
Nakasaad din sa panukala na maaaring magkaroon ng access ang mga kabataan na lagpas 13-anyos hanggang bago mag-18-anyos subalit kailangang munang aprubahan ng kanilang magulang o guardians bago magkaroon ng accounts sa anumang platforms.
Aatasan din ang mga social media companies na bigyan ng gamit ang mga magulang at mga guardians ng mga kabataan para mamonitor ng mga ito ang mga aktibidad ng mga kabataan online world.
“Ang layunin ng panukalang ito ay hindi ang ilayo ang mga bata sa teknolohiya. Ang hangarin po natin ay tiyaking hindi sila magiging biktima nito,” ayon pa sa lider ng Kamara na mula sa lalawigan ng Isabela.

====

Share.