Pansamantalang sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng hiking activities sa Mt. Pico de Loro mula Agosto 21 hanggang Setyembre 12 upang bigyang-daan ang paglilinis, pagkukumpuni at rehabilitasyon sa lugar matapos ang pinsalang dulot ng mga nagdaang bagyo at habagat.
Sa public advisory, sinabi ng DENR Region IV-A na sakop ng pansamantalang pagsasara ang lahat ng hiking activities sa Mt. Pico de Loro at Mounts Palay-Palay/Mataas-na-Gulod Protected Landscape (MPPMNGPL).
Kabilang sa isasagawang rehabilitasyon ang inspeksyon at pagkukumpuni ng mga hiking trail, pag-aalis ng mga natumbang puno at iba pang sagabal, gayundin ang iba pang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga hikers bago muling buksan ang protected area.
“We ask for your understanding and cooperation during this temporary suspension,” ayon sa DENR Region IV-A.
Matatandaang isinara rin sa publiko ang lugar noong Oktubre 2016 dahil sa pagdami ng basura, pagdami ng mga vendor sa kahabaan ng trails, campsites at summit, hindi kontroladong bilang ng mga bisita, soil erosion at iba pang suliranin sa kapaligiran.
Matapos ang halos anim na taong rehabilitasyon, muling binuksan sa publiko ang protected area noong Enero 2023.
=====

Share.