Nagkaisa ang North Luzon Expressway (NLEX) at ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang tugunan ang problema ng pagbaha sa NLEX, ang pangunahing daan patungong Hilaga.

Sa pahayag kahapon, sinabi ng pamunuan ng NLEX na naglagay ng mga harang ang kanilang tauhan, nagsagawa ng sandbagging sa apektadong bahagi ng highway, at pinalakas ang kapasidad ng flood pumping sa pamamagitan ng pagrenta ng heavy-duty units bukod pa sa sariling kagamitan.

Isinagawa rin ang shoulder impounding at lining sa bayan ng San Simon upang maipon at maitaboy ang tubig palayo sa kalsada.

Bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagsasaayos ng trapiko, naglabas ng diversion staging at abiso sa mga motorista, bukod sa pag-preposition ng tauhan ng NLEX sa Meycauayan, Paso de Blas, San Fernando at Balintawak.

Upang higit pang mapabuti ang pamamahala sa trapiko, patuloy ang koordinasyon ng NLEX sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), Toll Regulatory Board (TRB), Northern Luzon Command, Philippine Coast Guard, at mga lokal na pamahalaan ng Pampanga.

Kahapon, sinuri ni Public Works Secretary Vince Dizon kasama si NLEX president at general manager Luis Reñon ang rehabilitasyon sa bahagi ng Tulaoc sa San Simon, Pampanga.

Iniulat ng NLEX na bumuti na ang kondisyon ng kalsada sa apektadong lugar ng expressway, kung saan dalawang linya — northbound at southbound — ay madaanan na at halos bumalik na sa normal.

Upang makatulong sa paglutas ng problema, nagpadala ang MMDA ng kagamitan at tauhan upang makipagtulungan sa NLEX crews sa panahon at pagkatapos ng pagbaha.

Ayon sa MMDA, kabilang sa deployment ang mobile pumping units, L-type at modular flood barriers, dump trucks at field personnel. Nanatili pa rin ang mga kagamitan sa koridor.

Samantala, iniulat ni Bulacan provincial disaster risk reduction and management officer Manuel Lukban Jr. na nananatiling lubog sa baha ang 71 barangay sa limang bayan.

Sinabi ni Lukban na ang patuloy na pagbaha ay dulot ng backflooding, high tide, naipong tubig, at localized flooding.

Ayon kay Reserve 1/Lt. Jose Luis Barillo, chief ng Philippine Air Force reserve tactical operations, nakapamahagi ng relief goods ang PAF contingent sa Barangays Pugad at Tibaguin sa bayan ng Hagonoy matapos maantala ng isang linggo ang distribusyon.

Idinagdag ni Barillo na isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa pakikipagtulungan ng Ayala Foundation, Delbros Group, at 71st Infantry Brigade ng Army.(Andy de Guzman)

Share.