Sa wakas ay natuldukan na ang mahigit limang dekadang paghihintay ng New York Knicks matapos nilang masungkit ang kanilang unang NBA championship sa loob ng 53 taon sa pamamagitan ng 94-90 panalo laban sa San Antonio Spurs sa Game 5 ng 2026 NBA Finals, Sabado ng gabi (Linggo ng umaga sa Pilipinas).
Pinangunahan ni Jalen Brunson ang Knicks sa kanyang 45 puntos, kabilang ang 13 sunod-sunod na puntos sa huling bahagi ng 4th quarter.
Dahil dito, natapos ng New York ang serye sa 4-1 card at opisyal na naibalik ang kampeonato sa isa sa mga pinakasikat na prangkisa sa NBA.
Speechless si Brunson dahil ito raw ang lahat ng pinangarap niya.
Muling ipinakita ng Knicks ang kanilang tatag matapos makabangon mula sa 16 na puntos na pagkakaiwan sa laro.
Lahat ng apat nilang panalo sa serye, nakabawi sila mula sa dobleng digit na lamang.
Nagtala rin si Brunson ng bagong franchise record para sa pinakamaraming puntos sa isang NBA Finals game ng Knicks. Nalampasan niya ang dating rekord na 38 puntos ni Willis Reed laban sa Los Angeles Lakers noong 1970 Finals.
Malaki rin ang naitulong nina Mikal Bridges at Josh Hart, na kapwa bahagi ng tinaguriang “Nova Knicks” kasama si Brunson. Ang trio ay dating magkakasama sa Villanova University at naging NCAA champions bago nagsama-sama sa New York.
Umiskor si Bridges ng 14 puntos habang may 13 puntos si Hart.
Sa panig ng Spurs, nagtala si Dylan Harper ng 25 puntos habang nag-ambag si Victor Wembanyama ng 19 puntos, 14 rebounds at limang blocked shots.
Hindi naman ito naging sapat upang pigilan ang matinding pag-aasam ng Knicks na makahabol.

Share.