Upang mas mapalakas pa ang report ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ukol sa yaman ni Vice President Sara Duterte at mister nitong si Atty. Manases Carpio, ipapa-subpoena ng prosecution team sa impeachment court ang mga bank official at bank document ng mga ito.
Ito ang isa sa mga plano ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro kapag nagsimula na ang paglilitis laban kay Duterte sa apat na Articles of Impeachment na kinabibilangan ng grave threat, paglustay umano sa kanyang confidential funds na umaabot ng P612.5 milyon, bribery at unexplained wealth.
Ayon sa mambabatas, sadyang hindi ipinatawag ang mga bank officials at hindi ipinakuha ang bank documents ng mag-asawang Duterte-Carpio ng kanyang pinamumunuang House Committee on Justice upang hindi maakusahan ang mga ito na nagsasagawa na ang mga ito ng paglilitis at bilang paggalang sa bank secrecy law/
“This time, pagdating sa impeachment trial, we will be moving for the issuance of subpoena to bank officials and documents. We just want to bolster the data that was presented already by the AMLC,” ani Luistro.
Magugunita na inereport ng AMLC sa komite na umaabot sa P6.77 billion ang gumalaw na pera sa bank accounts ng mag-asawang Duterte-Carpio mula 2006 hanggang 2025 kung saan P4.4 billion dito ay pumasok na cash habang P1.5 billion naman ang lumabas.
Bagama’t malakas na ebidensya na umano ang report ng AMLC, nais pa rin umano ng prosecution na ipatawag ang mga opisyales ng mga bangko na pinaglagakan ng mag-asawang Duterte-Carpio sa kanilang sa Impeachment Court lalo na’t hindi ubra ang bank secrecy law sa impeachment court.
Samantala, bagama’t hindi pa aniya napag-uusapan ng prosecution team, interesado din umano si Luistro na ipabukas sa Bureau of Internal Revenue (BIR) box para malaman kung ano ang nilalaman nito.
Hindi na binuksan sa Justice committee ang BIR box na naglalaman ng mga impormasyon kung magkano ang binayarang buwis ng mag-asawang Duterte-Carpio at maging ang kanilang mga negosyo dahil sa batas na nagbabawal na isapubliko ang buwis na binabayaran ng isang Pilipino na walang pahintulot ang korte.
“Of course, we are interested to know also what is inside. But since this is a public hearing at itoy para sa sambayanang Pilipino, siguro I will be inclined na i-move din sa impeachment court yung opening ng BIR box,” ani Luistro.
Trending
- Ginebra isang panalo na lamang para makapasok sa finals
- Eala may wild card sa Homburg Open
- Richard Gutierrez, Gerald Anderson tumitindi ang hidwaan
- Vice Ganda namigay ng kare-kare sa mga street sweeper
- John Lloyd Cruz ipinaranas sa anak na si Elias ang simpleng pamumuhay
- Libreng board, bar exam sa qualified indigents, inihain
- MRT-7, ‘di mababawasan ng estasyon
- Pinakamahabang araw mararanasan sa Hunyo 21 – PAGASA

