Hinamon ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ilabas ang ebidensya at pangalanan ang mga kongresistang sinasabi nitong sangkot umano sa korapsyon.
Ginawa ni Adiong ang hamon matapos sabihin ni Magalong sa isang panayam na 90 porsiyento umano ng mga miyembro ng Kamara ang corrupt.
“If he has names, it’s better to name names rather than to attack the entire institution,” pahayag ni Adiong sa press conference nitong Lunes.
Ayon sa mambabatas, tulad ni Magalong ay isinusulong din ng Kamara ang pananagutan sa pamahalaan, bagay na aniya’y napatunayan sa mga isinagawang pagdinig ng mga komite nito kabilang ang House Committee on Justice kaugnay ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ni Adiong na mahalaga rin ang due process sa lahat ng iniimbestigahan at inaakusahan upang maiwasan ang mga paratang na walang sapat na batayan.
“So, to me, it is quite irresponsible and unfair to just brush the entire institution with single stroke and to say that 90% of the members are corrupt. We should be judged based on our individual work,” ani Adiong.
Sinabi pa nito na may mahigit 300 miyembro ang Mababang Kapulungan kaya hindi makatarungan na bansagan ang halos lahat ng mga ito bilang corrupt nang walang inilalatag na ebidensya.
“So, it is not quite fair to just sweep the entire House with one branding. These allegations such as this should be backed by hard and concrete evidence,” dagdag pa ng kongresista.
Iginiit din ni Adiong na handa ang Kamara na harapin ang anumang lehitimong imbestigasyon ngunit hindi dapat magbitiw ng mabibigat na akusasyon nang walang sapat na patunay.
“So, to me, we understand that the mayor is an advocate of corruption, but as a he himself as an investigator, he knows that such accusations should be backed up by evidences,” saad pa ni Adiong.

Share.