PHOTO :Tinitingnan nina Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Chi Atienza, at mga kinatawan ng WMPDI ang magiging anyo ng Manila Waterfron City sa oras na matapos.
TODO-suporta si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Manila Waterfront City reclamation project na itinuturing niya na pinakamahalagang bahagi ng pag-unlad sa modernong kasaysayan ng Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Mayor Isko, ang 318-ektaryang Manila Waterfront City sa Manila Bay ang magiging Central Business District at pangunahing destinasyon ng mga dayuhan at lokal na mamunuhunan para sa pagtatayo ng negosyo, turismo, lifestyle, at magkakaroon pa ng bukas na luntiang pasyalan ng publiko at dagdag na atraksiyon para sa mga bibisitang turista sa lungsod.
Ang tagumpay ng naturang proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng kasunduang pagsososyo ng lokal a pamahalaan at Waterfront Manila Premier Development, Inc. (WMPDI).
Sa isinagawang seremonya ng paglulunsad sa Rizal Park Hotel sa Ermita noong Lunes ng hapon, sinabi ng alkalde na pangangasiwaan ang proyekto ng Philippine Reclamation Authority (PRA) bilang ka-partner ng lokal na pamahalaan at American consulting firm na AECOM bilang master planner.
Aabot sa humigit-kumulang na P76 na bilyon ang gugugulin sa naturang proyekto na inaasahang matatapos sa loob ng anim na taon kung saan ang 51% ng lupa ang mapupunta sa lokal na pamahalaan at 49% sa pribadong kompanya.
Sabi pa ng alkalde, mas malaki pa ang Manila Waterfront City kumpara sa Bonifacio Global City (BGC) na sentor ng pagnenegosyo sa Taguig City dahil 240 ektarya lamang ang BGC habang higit 300 ektarya ang proyekto sa Manila Bay na tiyak na magdadala ng progreso at oportunidad hindi lang sa tao, kundi maging sa lokal na pamahalaan.
Umaasa rin si Mayor Isko na lilikha ng tinatayang isang milyong trabaho ang proyekto at oportunidad sa pagnenegosyo gaya ng contruction, retail, hospitality, turismo, at iba pang sektor ng serbisyo habang mag-aalok din ng 95-ektarang open green spaces na magiging “Luneta by the Sea”.
Tiniyak ng alkalde sa mga negosyante na kahit magpapalit-palit pa ng administrasyon ay igagalang pa rin ang mga kontrata, tulad ng ginawa niyang pagtupad sa kasunduan ng nakaraang administrasyon sa lungsod. (Edison de Jesus)

