INILABAS na ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang ₱696,707,920 bilang tulong pinansiyal sa mahigit 333,000 benepisyaryo na bahagi ng ikatlong quarter ng Social Amelioration Program ngayong buwan ng Oktubre.
Nakatakdang mabiyayaan ng naturang programa para sa tulong pinansiyal ang mga senior citizen, person with disabilities (PWD) solo parents, mga estudyante ng pampublikong paaralan, mga guro, kapulisan, at iba pang public safety personnel.
Sinabi ni Mayor Isko Moreno Domagoso na may kabuuang 333,258 na indibiduwal sa Maynila ang makikinabang sa programa na kung saan ang P696 milyon ay magmumula sa buwis ng mamamayan
Unang naka-iskedyul na tumanggap mula Oktubre 12 hanggang 15 ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD), Manila Fire Department, Grade 12 students sa ilalim ng Division of City Schools, estudyante ng Unibersidad de Manila . DCS teachers, at subsidiya para sa E.A.R.I.S.T. at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), na may kabuuang bilang na 31,180 benepisyaryo na gagastusan ng ₱209,110,920.
Susunod naman ang mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology at allowance ng mga estudyante ng PLM na may kabuuang 8,295 benepisyaryo na tutustusan ng kabuuang ₱26,699,500.
Sa Oktubre 28 hanggang 30 naman ang 293,783 benepisyaryo sa ilalim ng monetary allowance program ng lungsod, kabilang ang 12,118 mga batang PWD, 51,916 matatandang PWD, 16,177 solo parents, at 213,572 senior citizens na aabot sa ₱460,897,500.
Ayon sa alkalde ang mga barangay chairmen at kanilang treasurer ang mamamahala sa pamimigay ng pensiyon ng mga senior citizen kung saan uunahin ang District 1 at 2 sa Oktubre 28, District 3 at 4 sa Oktubre 29, at District 5 at 6 sa Oktubre 30.
Nilinaw ng alkalde na ginawa niyang utay-utay o tuwing ikatlong buwan ang pamamahagi ng tulong pinansiyal, allowance, at pensiyon ng mga senior citizen dahil sa dami ng mga benepisyaryo.
Tiniyak naman ni Mayor Isko na patuloy siyang mamumuhunan sa pangunahing pangangailangan ng taumbayan na bahagi ng kanyang programang Minimum Basic Needs o MBN nan aka-angkla sa edukasyon, pabahay, kalusugan, at trabaho. (Edison de Jesus)
Si Mayor Isko Moreno habang kausap ang ilang mga estudyante. (larawan mula sa Manila PIO)

