“Sa kabila na magdadalawang lingo na nang mabisto ang shabu shipment mula Laos at Thailand gamit ang private jet at barko–wala pa ring linaw kung sino ang mastermind ng pambihirang pag-import ng kontrabando ng droga papasok sa Maynila.
Isa na namang malaking dagok sa mga internasyonal na sindikato ng ilegal na droga matapos masabat ng mga awtoridad sa Laos at Thailand ang pinagsamang halos one-point-seven toneladang shabu na pinaniniwalaang may kaugnayan sa planong pagpupuslit nito patungo sa Pilipinas.
Sa Laos, naharang ang mahigit limang-daan at dalawamput isang kilo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa dalawamput-isang maleta at iniuugnay sa isang pribadong eroplanong nakatakdang bumiyahe patungong Maynila.
Kaugnay nito, kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency na kabilang sa mga naaresto ang isang Pilipinong gumagamit umano ng alyas na “Fahad.”
Ayon kay Isagani Nerez, Director General ng PDEA, may natukoy na rin silang isa pang Pilipino na kilala sa alyas na “Boyet” na sinasabing nag-ayos ng pribadong jet na sangkot sa operasyon.
Patuloy naman ang pagtunton ng mga awtoridad sa iba pang posibleng kasabwat sa bansa.
Samantala, sa Thailand, nasamsam naman ang humigit-kumulang one-thousand and one-hundred seventy-eight kilogram ng crystal meth na itinago umano sa isang lihim na kompartimento ng barkong East Harbour one. Anim na tripulanteng Thai ang inaresto habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan at destinasyon ng kontrabando.
Gayunman, nananatiling maingat ang Philippine National Police sa pagbibigay ng pahayag na nagbubunsod ng pagdududa sa publiko.
Ayon sa tagapagsalita nitong si Allen Rae Co, wala pa umanong matibay at pinal na ebidensiyang magpapatunay na ang dalawang kargamento ay talagang nakalaan para sa Pilipinas.
Patuloy pa rin ang beripikasyon sa mga dokumento, flight plan, cargo record at impormasyon mula sa mga dayuhang awtoridad na nagbunga ng kaliwa’t kanang espekulasyon at alegasyon kung sino ang tunay na utak ng pagpupuslit ng kontrabando.

Share.