Isiniwalat ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mabagal na sistema ng katarungan sa Pilipinas sa gitna ng Senate budget hearing para sa kanyang tanggapan nitong Huwebes, Setyembre 3.
Ayon kay Remulla, sa kabila ng maraming pagbabagong pampulitika at mga nangyaring EDSA Revolution sa kasaysayan ng bansa, nananatiling tila hindi nagagalaw at walang sapat na pananagutan ang judiciary o ang sistema ng hukuman.
Ayon sa Ombudsman, malaki ang negatibong epekto ng mabagal na paggulong ng mga kaso hindi lamang sa mga mamamayan kundi maging sa ekonomiya ng bansa.
Ipinaliwanag niya na nahihirapan at nababahala ang mga investor dahil sa kawalan ng katiyakan kung kailan matatapos o mabibigyang-linaw ang isang kasong idinudulog sa korte.
Dahil dito, nanawagan si Remulla sa mga matataas na miyembro ng Korte Suprema na seryosong suriin at gawan ng paraan kung paano mapapabilis ang paghahatid ng katarungan.
Aniya, batid niyang may panganib sa kanyang ginagawang hayagang pagpuna ngunit naniniwala siyang kailangan na itong sabihin upang magkaroon ng tunay na pagbabago.
“It’s actually a problem that has been there for the longest time, but it has to be said openly. I’m daring to do this, Your Honor, because I have no more aspirations. This is the job I want for myself and for the country, to be able to finish this job. And that’s why things that have been left unsaid are being said now, because it has to happen,” pahayag ni Remulla.
“If we are able to cure our justice system and make it function properly, we will be a much better country… we will be a much, much better country,” dagdag pa niya.
“There is a light at the end of the tunnel if we really look at it. And that is one of them, Your Honor, is to be able to correct and make efficient the wheels of justice, Your Honor,” patuloy niya.
====

