Nilagdaan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bagong patakaran na nagtatakda ng hanggang P60 na booking o platform fee para sa mga taxi na gumagamit ng online booking platforms.
Sa ilalim ng Memorandum Circular 2026-055, ang booking fee ay hanggang 20% ng aprubadong pasahe o P60, alinman ang mas mababa. Bawal ding maningil ng karagdagang booking, convenience, service, o platform fee nang walang pahintulot ng LTFRB.
Inaatasan din ang mga taxi operator na malinaw na ipakita ang lahat ng singil bago kumpirmahin ang booking.
Ayon sa LTFRB, ipinatupad ang bagong patakaran matapos makatanggap ng mga reklamo tungkol sa hindi pare-pareho at hindi awtorisadong paniningil ng dagdag na bayarin sa mga online taxi.
Magkakabisa ang memorandum matapos itong mailathala sa isang pahayagang may pangkalahatang sirkulasyon. Ang mga lalabag ay maaaring patawan ng multa, suspensyon, o kanselasyon ng prangkisa at iba pang kaukulang parusa.
Trending
- San Beda Red Lions player JV Gallego pumanaw na
- Alex Eala makakatambal muli si Venus Williams
- Rommel to the rescue kay Robin, binarag si Angel!
- Awra, nagpa-rhinoplasty, bet magmukhang Latina!
- Gwendoline Meliz Soriano : Binibining Pilipinas International 2026
- Marcoleta, ‘di nakakulong sa air-conditioned cell
- Pulis sa ‘mistaken identity’ na- inquest proceedings
- 4 PH-registered vessel nakalabas na sa Hormuz

