Muling magpapalit ng may-ari ang Los Angeles Lakers, kung saan umabot umano sa rekord na $12.5 bilyon ang napagkasunduang halaga ng pagbebenta sa negosyanteng si Josh Kushner at dating Disney CEO na si Bob Iger.

Kung maaaprubahan, malalampasan nito ang $10 bilyong valuation ng Lakers noong nakaraang taon.

Noong 2025 lamang binili ni American businessman Mark Walter ang controlling stake ng Lakers mula sa Buss family, na nagmamay-ari sa koponan mula pa noong 1979.

Kaya nakapagtataka ang muling pagbebenta dahil halos 10 buwan pa lamang mula nang maging opisyal na may-ari si Walter.

Pero kailangan pa ng pag-apruba ng NBA Board of Governors sa bagong kasunduan, na maaaring tumagal ng ilang linggo at inaasahang pag-uusapan sa kanilang pulong sa Setyembre sa New York.

Bagong rekord para sa isang professional sports team sa United States ang sinasabing $12.5 bilyong presyo. Nagpapakita ito ng patuloy na pagtaas ng halaga ng mga prangkisa sa NBA.

Kapwa matagal nang fans ng NBA sina Kushner at Iger. Bukod sa Lakers, may karanasan na rin sila sa sports ownership.

May minority stake sa Miami Heat at dating may stake rin sa Memphis Grizzlies si Kushner habang si Iger at asawa niyang si Willow Bay ay controlling owners ng NWSL club na Angel City FC.

Matagal na naging CEO ng Disney si Iger, habang isang venture capitalist naman si Kushner.
=====

Share.