Hindi naging madali para kay Kris Aquino ang kanyang comeback shoot dahil sa matinding sakit at pamamaga ng katawan, pero tiniis pa rin ito ng “Queen of All Media” para maituloy ang kanyang pagbabalik sa harap ng camera.
Ibinahagi ng malapit niyang kaibigan na si Loi Villarama ang behind-the-scenes clips mula sa naturang shoot at ikinuwento kung paano nakita mismo ang hirap na dinaranas ni Kris habang nagtatrabaho.
Ayon kay Mama Loi, ramdam ang epekto ng rheumatoid arthritis kay Kris dahil namamaga ang kanyang mga binti at buto.
Habang tumatagal ang shooting at napapagod siya, mas kapansin-pansin umano ang kanyang nararamdaman.
“During the shoot, I saw how hard it was for her because yung rheumatoid arthritis, talagang namamaga yung legs and pati yung buto. I felt yung pag-usli nung mismong buto on her knees na namamaga,” kuwento ni Loi.
Gayunman, hindi raw nagreklamo si Kris at patuloy pa rin itong naging positive sa buong shooting. Kapag nasa harap na siya ng camera, tila nawawala ang sakit at pagod na kanyang nararamdaman.
“But she never complained, kahit hirap at pagod she was always in high spirits, at pag nasa harap na ng camera wala ka nang mahahalata na she’s in pain,” ani Mama Loi.
Dahil sa kanyang dedikasyon, hindi rin basta iniwan ni Kris ang set kahit lumampas na sa kanyang itinakdang cut-off time.
Dapat ay hanggang alas-dose lamang ng hatinggabi ang kanyang shooting, pero natapos lamang ito bandang 1:30 a.m.
“She is a true professional. At kahit may iniindang sakit, palaging ‘take 1’ si KCA,” paghanga ni Loi.
Samantala, muling mapapanood si Kris sa kanyang bagong role sa Netflix bilang Chief Head of Insight and Kontent Analysis o “CHIKA.”

Share.