Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na bumaba na ng 30.43% ang focus crime incidents sa bansa para sa buwan ng Hunyo 2026, na anila, ay sumasalamin sa epekto ng pinaigting na mga operasyon at kolaborasyon sa iba’t ibang komunidad sa bansa.
Batay sa pahayag ng PNP nitong Lunes, Hulyo 6, sa naitalang walong focus crimes na na kanilang binabantayan, ang mga kaso ng carnapping ang nakapagtala ng pinakamalaking pagababa sa bilang na siyam mula sa 27 sa nakaraang taon.
Sinundan ito ng rape na mula sa bilang na 697, bumaba ang tala sa 298 ngayong Hunyo.
Habang ang mga kaso ng physical injury, naitalang bumaba ito sa 243 mula sa 406 sa nakaraang taon.
Ang iba mga sumusunod pang focus crimes ay nakapagtala rin ng pagbaba ngayong Hunyo:
– Homicide: 61 kaso mula 84
– Carnapping ng mga motor: 140 mula 189
– Robbery: 238 mula 310
– Theft: 890 mula 1,067
– Murder: 259 mula 293
Saad ng PNP, ang mga talang ito ng pagbaba ay naiuugnay nila sa patuloy na implementasyon ng PNP Focused Agenda, partikular sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations, sa pamamagitan ng karagdagagng police visibility, focused crime prevention initiatives, at pinatatag na pakikipag-ugnayan sa local government units (LGUs), partner agencies, at mga komunidad.
Sa kabila ng positibong ulat na ito, tiniyak naman ni PNP Chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., na hindi sila magiging kampante, bagkus, magpapatuloy sa pagtatrabaho upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusang ito.
“Malaking bagay ang bawat krimeng napipigilan at bawat komunidad na mas nagiging ligtas. Ang pagbaba ng crime incidents ay nagsasabing nasa tamang direksyon ang ating mga ginagawa, pero hindi ito dahilan para magpakampante. Tuloy-tuloy lang ang trabaho natin para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan,” pagtitiyak ni Nartatez.
====

Share.