TILA PINAYUHAN ng Malakanyang si Nicholas Kaufman, abogado ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ituon ang pansin sa pagtatanggol sa kanyang kliyente at hindi sa politika sa Pilipinas.
“He (Kaufman) should focus on his defense and legal strategies, not on President Marcos Jr., ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang tugon sa pahayag ni Kaufman na hindi tutulungan ng administrasyong Marcos ang depensa na ipagtanggol sa anumang paraan.
“He is losing track of his case because he keeps monitoring Philippine politics. He should do his best for his client, not for the political careers of his client’s children,” dagdag na pahayag ni Castro.
Sa isang panayam ng international media, inakusahan ni Kaufman ang kasalukuyang administrasyon ng pagtulong sa prosekusyon simula nang dalhin si Digong Duterte sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Nauna rito, kinumpirma ng ICC ang mga kaso ng crimes against humanity laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga pagpatay na may kaugnayan sa kanyang “war on drugs” noong alkalde pa siya ng Davao City at kalaunan bilang Pangulo ng Pilipinas.
Sa isang 50-pahinang desisyon, iniutos ng ICC Pre-Trial Chamber I na humarap sa paglilitis si Duterte at inatasan ang registrar ng korte na ipasa ang desisyon ng confirmation of charges at buong rekord ng pagdinig.
Ang pasya ay inilabas isang araw matapos ibasura ng Appeals Chamber ang apela ni Duterte hinggil sa hurisdiksyon ng ICC. Idineklara rin ng korte na moot o wala nang saysay ang kahilingan niyang makalaya.
Kinumpirma ng ICC ang tatlong bilang ng murder at attempted murder bilang crimes against humanity: mga pagpatay sa Davao City mula 2013 hanggang kalagitnaan ng 2016 na may hindi bababa sa 19 na biktima; pagpatay sa mga tinatawag na “high-value targets” sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula 2016 hanggang 2017 na may hindi bababa sa 14 na biktima; at mga operasyon sa barangay clearance mula 2016 hanggang 2018 na may hindi bababa sa 45 biktima, kabilang ang 43 kaso ng murder at dalawang attempted murder.
Nilagdaan ang desisyon nina Judges Iulia Antoanella Motoc, Reine Adélaïde Sophie Alapini Gansou, at María del Socorro Flores Liera.
Ayon sa korte, may “common plan” umano si Duterte at iba pa na patayin ang mga pinaghihinalaang kriminal, kabilang ang mga inaakusahang sangkot sa droga, bilang bahagi ng malawakan at sistematikong pag-atake mula 2011 hanggang 2019.
Binanggit din ng ICC ang tinatawag na “Davao model” na umano’y ipinatupad muna sa Davao City at kalaunan ay pinalawak sa buong bansa matapos maging Pangulo si Duterte, sa tulong ng mga pulis at opisyal ng pamahalaan.
Kabilang sa mga tinukoy na umano’y co-perpetrators sina dating PNP chief Ronald “Bato” Dela Rosa, Vicente Danao, Camilo Cascolan, Oscar Albayalde, dating SAP Christopher Lawrence “Bong” Go, at iba pang dating opisyal ng pulisya at gobyerno.
Ayon sa prosekusyon, may hierarchical na sistema umano ng pagpapatupad kung saan ang mga direktang nagsasagawa ng pagpatay ay pinopondohan o binabayaran matapos ang operasyon.
Mariing tinanggihan ng depensa ang mga paratang. Ayon kay defense counsel Nicholas Kaufman, ang umano’y state policy na pagpatay sa mga suspek ay “complete fiction.”
Ayon pa sa ICC, inaasahang haharap si Duterte sa paglilitis. May 539 biktima rin na pinayagang lumahok sa kaso at binigyan ng legal representation.
Sa susunod na hakbang, bubuo ng Trial Chamber ang ICC na siyang magtatakda ng proseso at petsa ng pagsisimula ng paglilitis.
Ayon sa abogadong kumakatawan sa mga biktima, maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang isa’t kalahating taon ang paghahanda bago magsimula ang trial.
Sa kabuuan, sinabi ng ICC na may sapat na batayan upang maniwala na ang mga pag-atake ay sistematiko, organisado, at isinagawa sa ilalim ng umano’y koordinadong polisiya na pinamunuan ni Duterte.

Share.