Naaresto ang siyam na katao at tinatayang P9.75 milyon halaga ng diesel ang nasabat sa ikinasang joint operation laban sa ilegal na kalakalan ng petrolyo sa Navotas Fish Port Complex nitong Martes, Abril 7.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng pulisya sa pakikipagtulungan sa Department of Energy nang makatanggap ng impormasyon hinggil sa pinaghihinalaang ilegal na distribusyon ng langis sa nasabing lugar.
Ayon sa Philippine National Police, mga lalaking Pilipino ang mga suspek na may edad 21 hanggang 57, na nagtatrabaho bilang mga drayber, helper at isang kapitan ng barko.
Dinakma ang mga ito nang mabigong magpakita ng mga kaukulang dokumento para sa kanilang operasyon.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang isang fuel tanker na naglalaman ng humigit-kumulang 15,000 litro ng diesel, isang cargo vessel na ginamit bilang “makeshift depot” na may karga pang 50,000 litro ng langis at iba’t-ibang fuel hose at pumping equipment na ginagamit sa pagsasalin ng petrolyo.
Sa kabuuan, umabot sa 65,000 litro ng diesel ang nakumpiska na may tinatayang market value na P9.75 milyon.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng mga kaukulang kaso dahil sa paglabag sa mga batas na nagbabawal sa illegal trading ng petroleum products.

Share.