Pinaaamiyendahan ni Senador Raffy Tulfo ang RA 9344 o Juvenile Justice Welfare Act para mapondohan ang pagpapatayo ng hiwalay na detention facility para sa mga menor de edad na nag-commit ng heinous crimes.
Sa pagdining ng Senate Committee on Committee on Women and Children nitong Miyerkoles, Hulyo 1, binigyang-diin ni Tulfo na hindi sapat na inilalagay lamang sa mga Bahay Pag-Asa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga batang child in conflict with the law (CICL) na gumawa ng mga karumaldumal na krimen.
Sa Bahay Pag-asa kasi, madalas bini-baby lamang sila habang isinasailalim sa intervention and rehabilitation at kalaunan ay makakalaya na.
“Naniniwala ako na hindi sila dapat ihalo sa hardened criminals. Everybody believes that. Pero hindi rin dapat mawala ang mensahe na ang bawat aksyon ay may consequence,” sabi ni Tulfo.
“Hindi yung nakikita ng mga bata na, ‘Ah, kapag ako ay nag-commit ng crime, pupunta ako sa Bahay Pag-Asa, at pagdating doon, magba-basketball kami, may pingpong… kumakain sila sama-sama, nagtatawanan,” dagdag pa niya.
“Pagdating sa gabi, nandoon sila sama-sama sa isang kwarto, mag-uusap-usap. Saan dito yung takot na maipapakita sa mga bata? They will think it’s excursion, camping. Dapat papakita natin na merong katapat na parusa ang bawat gagawin niyong kasalanan.”
Kinatigan naman ang suhestiyon ni Tulfo ni Jamie Separa, ina ng isa sa mga estudyanteng napatay sa shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City noong June 22.
Samantala, inirekomenda rin ni Tulfo na aralin at ikonsidera ng Department of Education (DepEd) ang supervised boot camps o carefully designed immersion programs kung saan pwedeng magbahagi ng kanilang istorya at lecture ang mga reformed ex-Persons Deprived of Liberty (PDL) sa mga bata.
Dito, ani Tulfo, maaari nilang ibahagi ang hirap na maaari nilang harapin sa loob ng kulungan at kung paano sila muling naging produktibong mamamayan ng lipunan.

Share.