Bumilis ang inflation rate noong Marso sa 4.1%, pinakamabilis sa loob ng 20 buwan dahil sa serye ng oil price hike dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Middle East.
Sa press briefing, iniulat ni Philippine Statistics Authority (PSA) National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa na ang inflation, o bilis ng pagtaas sa presyo ng produkto at serbisyo, ay bumilis sa 4.1% noong nakaraang buwan mula sa 2.4% noong Pebrero 2026 at 1.8% noong Marso 2025.
Ito ang pinakamabilis na inflation rate mula noong Hulyo 2024 sa 4.4%.
Ang year-to-date inflation rate naman ay nasa 2.8%, na pasok pa rin sa 2% hanggang 4% ceiling ng pamahalaan.
Ani Mapa, salarin sa mataas na inflation print ay ang
Transport index na nakapagtala ng inflation rate na 9.9%, mula sa 0.3% decline month-on-month, at 54.8% share sa overall uptrend.
“Ang nag-ambag sa mas mataas na antas ng inflation ng Transport nitong Marso 2026 ay ang pagtaas ng presyo mula sa pagbaba ng presyo noong Pebrero 2026 ng mga gasolina at diesel,” sinabi ni Mapa.
Partikular din na tumaas ang inflation sa gasolina sa 27.3% noong nakaraang buwan mula sa -5.7% noong Pebrero habang ang inflation ng diesel ay tumaas sa 59.5% mula sa -1.3%.
Nakapag-ambag din sa pagbilis ng inflation noong Marso ay ang Food and Non-Alcoholic Beverages index na tumaas sa 3% mula sa 1.8% at may overall share na 26.9%.
Ang inflation naman sa Housing, Water, Gas and Other Fuels index ay tumaas sa 4.5% mula sa 3.5% month-on-month sa share na 12.7%.

Share.